
Ina Feleo talks about her family’s experience with cancer
Sobrang nakaka-relate ang award-winning actress na si Ina Feleo sa kanyang role sa “Child Haus,” isang advocacy film na layuning makalikom ng pondo para matulungan ang mga batang biktima ng cancer sa nasabing temporary shelter na itinayo ni Mother Ricky Reyes sa tulong ng ilang pilantropo.
Gaano ka nakaka-relate sa pelikula?
“Nakaka-relate talaga. Alam ko ang feeling ng may pinagdadaanan sa buhay like cancer with someone you love. It’s family rin, kasi cancer victim rin ang Dad ko. So, madali na sa akin iyong role dahil nandoon lang iyon,” saad niya.
Isa sa mga treatments ng cancer ay chemotherapy, pero it’s sometimes painful at minsan ay hindi sigurado. Would you advocate it as a treatment to cancer patients?
“Depende sa stage nung cancer at depende sa opinion ng doctor. Meron kasing mga patients na after na makapag-chemo sila lalo pang lumala iyong sakit nila dahil na-weaken iyong immune system nila. Hindi lang kasi bad cells ang pinapatay ng chemo kung hindi pati na iyong good cells. Tulad noong Dad ko, hindi siya totally nawala pero noong nag-recur mas kalat na,” kuwento niya.
Kung may cancer patient na malapit sa iyo na terminal na ang case who’s undergoing chemotherapy, na gustong i-stop na ang treatment bilang wish niya, would you support him?
“As I have said, depende sa stage ng cancer. Pero as much as possible, I would push him to fight it . Siguro, puwedeng i-try yung ibang treatments like natural or alternative medicines . May mga kilala rin kasi ako na nagamot through natural medicine. Pero, nasa tao rin iyon, minsan kasi, talagang nakakapagod din kasi nagsu-suffer pati quality of life mo. If it were me, hindi ko rin naman gustong masagad na ako sa chemo at ma-sacrifice iyong quality of life ko hanggang sa huling sandali ng buhay ko pero that would also depend on God’s will,” paliwanag niya.
Ano ang natutunan mo sa naging battle ng Dad mo sa “Big C”?
“Naging aware ako ngayon sa mga health issues. Mas naging conscious ako sa aking diet at lifestyle. Simula noon, bawas na ako sa fast foods o sa mga chips. Tapos, may exercise din at siyempre clean and healthy living to live a stress-free life,” aniya. “Actually, si Daddy hindi niya nagawa iyon, siguro kulang pa siya sa push noon to fight his cancer,” dugtong niya.
Si Ina Feleo ay anak ng award-winning actor at director na sina Johnny Delgado at Laurice Guillen.
Papel ng ina ni Therese Malvar, isang cancer patient sa “Child Haus” ang role niya sa naturang pelikula ng BG Films na iprinudyus ni Ms. Baby Go, Dennis Evangelista at Ferdinand Lapuz at idinirehe ng award-winning director na si Louie Ignacio.
Bago pumanaw ang tatay niya, nakapagawa na rin si Ina ng isang short film na “Loving Loving” tungkol sa last days ng kanyang ama sa piling nilang mag-iina na naipalabas sa Cinema One.
Kung mabibigyan ng pagkakataon, gusto ni Ina na magdirek ng isang full-length film tulad ng kanyang multi-award winning mom na si Laurice na kasama niya sa pelikulang “Whistleblower” ni Adolfo Alix, Jr.
Gusto rin niyang maidirehe ang kanyang ina at ang kapatid na si Anna dahil malaki ang tiwala niya sa kakayahan ng mga ito.
Mga paborito niyang pelikulang idinirehe ng kanyang mom ang “Tanging Yaman” at ang “Sister Stella L”.
Sa “Child Haus”,tampok ang magagaling at award-winning child actors na sina Miggs Cuaderno, Therese Malvar, Erika Yu, Vincent Magbanua, Mona Louise Rey at Felixia Dizon.
Bida rin dito sina Katrina Halili, Leni Santos, Christopher Roxas, Tabs Sumulong na gumaganap na mga magulang ng mga batang may sakit sa pelikula.