
Is Coco Martin running for politics?
by PSR News Bureau
Marami ang naghihikayat kay Coco Martin na tumakbo ito sa politika lalo pa’t mayroon itong ‘charm’ na tila isang magnet sa masa. Bukod dito ay sadyang ‘people person’ at mapagkumbaba ang bida ng telerseryeng “Ang Probinsiyano.” Hindi naman bago kay Coco ang tumulong sa mga nangangailangan. Recently nga ay nakarating sa kaalaman ng Philippine Showbiz Republic (PSR.ph) na mayroong tinulungang mga taong kapuspalad ang tinaguriang ‘Teleserye King’ sa may Tondo, Manila. Hindi ito napabalita sa radyo at TV dahil mas gusto ni Coco na ang mga charity works ay ginagawa niya ng tahimik.
Marami na rin naming ginawang pagtulong sa mga charities itong si Coco. Bagamat hindi maiwasan na minsan ay maisulat ang kanyang kabutihan sa kapwa, lalo na’t laganap ang kapangyarihan ng social media. Tumulong kamakailan lang si Coco sa mga nasunugan nating kababayan sa Tondo. Nagbigay ito ng kaunting tulong sa mga residente at binisita niya ang mga ito. Sa kanyang simpleng paraan, napasaya niya ang mga ito at muling napangiti sa kabila ng trahedya sa kanilang buhay.
Ayon kay Coco, humahanga siya sa ‘resilience’ ng mga Pilipino. Kahit matinding pagsubok ang dumating ay sadyang kinakaya ng mga Pilipino. Nanatili tayong matatag at palaban sa buhay. Sabi ni Coco, “Alam po namin na lahat ng tao ay mayroong pinagdadaanang pagsubok. Pero sama-sama po tayong babangon at huwag po tayong mawawalan ng pag-asa.”
Isa ba itong paghahanda ni Coco sa pagsabak nito sa pulitika balang araw? Ayon sa ilang tagasuporta ng guwapong aktor, siguradong panalo raw ito kung sakling tumakbo si Coco pagkat marunong makisama sa lahat ng tao ang aktor at wala itong masamang tinapay. Sikat na sikat na rin naman ito at nakagawa na ng pangalan sa showbiz. Maliban dito’y naging magandang ehemplo rin si Coco sa mga kabataan na mas inuuna ang kapakanan ng pamilya kesa sa sarili.
- Ang huling balita ng Philippine Showbiz Republic (PSR.ph) ay nililigawan si Coco upang tumakbo sa pulitika. Pero ayon na rin mismo kay Coco, wala raw itong
balak. Inamin ni Coco na bagamat likas sa kanya ang pagiging matulungin sa kapwa, hindi daw para sa kanya ang pulitika.
“Never ko po talagang naisip na sumali sa ganun kasi masaya naman ako kung nasaan ako ngayon at kung ano yung mga ginagawa ko. Naniniwala po ako na iba-iba ang destinasyon ng mga tao, at ang pagpasok sa pulitika ay hindi po talaga para sa akin,” paliwanag ng aktor.
“Masaya na po ako na makatulong sa kapwa ko sa paraang payak at komportable ako. Hindi naman kailangan ng tao na maging isang pulitiko upang makatulong,” dagdag pa ni Coco.
“Alam ko lang din na magulo ang mundo na ‘yan at maraming tao ang nasisira dahil sa politika,” pagtatapos ni Coco.