
Jak Roberto doesn’t mind being tagged as Pambansang Abs
Para sa Kapuso hunk actor na si Jak Roberto, napakalaking bagay ang kanyang exposure sa longest running gag show na Bubble Gang bilang “Daks the Machong Bodyguard” sa “Pool Senorita” segment nito para lalo pang mapanday ang kanyang sining.
“Sa Bubble Gang po kasi naipakikita ko ang comic side ko. Hindi pala birong magpatawa kumpara sa soap at hosting na ginagawa ko”, ani Jak.
Ayon pa kay Jak, marami siyang natutunan sa mga katrabaho niya sa show lalo na sa master comedian na si Michael V.
“Natutunan ko po iyong passion nila sa trabaho. Pag meron akong eksenang hindi maitawid, nagre-rely ako sa kanila lalo na kay Kuya Bitoy (Michael V) na isang genius pagdating sa comedy”, aniya. “Payo nga niya sa akin, alamin at mahalin ko ang trabaho ko. Kumbaga sa pagpapatawa, dapat nag-o-observe ka at nagre-research kaya importante na nagbo-bonding kayo para alam mo kung paano ipo-portray iyong character mo”, dugtong niya.
Dagdag pa ni Jak, nababali niya ang kanyang personalidad at nailalabas ang ‘landi’ sa komedya sa pamamagitan ng pagpapakuwela.
“Sa totoo lang po, iyon talaga ang tingin sa akin, na seryoso ako pero sa tunay na buhay, makulit talaga akong tao. Makulit ako sa bahay, nagpapatawa. Sa set, nakikipagbiruan din ako at iyon ang bonding namin. Pag kasi ganoon, mas komportable na kayo at mas lumalabas na natural iyong ginagawa mo”, sey niya.
Hindi naman nadi-distract si Jak kapag ang atensyon ng mga tao ay nababaling o nakatutok sa kanyang ‘abs’.
“Hindi naman nadi-distract. Happy po ako doon na naa-appreciate nila ang ‘abs’ ko. Masaya po ako kapag binabati nila ako sa mga magagandang comments nila kasi ibig sabihin, naa-appreciate nila iyong hirap ko para ma-maintain ang porma ko. Besides, masaya ako na nakakapag-promote ako ng health and fitness dahil sa body ko”, esplika niya.
Wala namang tutol si Jak kung i-build up man siya ang GMA-7 bilang sex symbol.
“Nasa GMA Artist Center po ang desisyon. Malaki ang tiwala ko sa kanila. Actually, hindi na ako sa ganoon, nasa materyal naman po siya. As an actor, minsan parte naman po siya ng trabaho”, paliwanag niya.

Para sa “Pambansang Abs”, hindi naman siya naiinip kung hindi pa siya nabibigyan ng major break ng GMA-7 para makapagbida sa isang show o teleserye.
“Hindi naman po ako naiinip. Happy naman ako sa takbo ng career ko dahil may dalawa po akong shows. Kumbaga, hindi ko naman minamadali. Mas maganda iyong pinagplaplanuhan pero slowly but surely”,pahayag niya.
Bagamat nakalabas na sa drama at comedy, nasa punto si Jak na hinahanap pa rin ang kanyang totoong boses at linya bilang isang artista.
“Ini-explore ko pa rin. Siguro, malalaman ko kung sa drama ba ako o sa comedy o sa hosting sa mga susunod na projects ko”, pagwawakas niya.
Huling napanood si Jak sa “Usapang Real Love” sa telebisyon at sa pelilkulang “Tibak” ni Arlyn de la Cruz, ang kanyang first full-length lead role as Joma Sison.