
Jake Vargas feels sad about the closing of “Sunday All Stars”
Pinabulaanan ni Jake Vargas ang tsismis na nagtatampo si Kuya Germs dahil hindi raw niya ito dinadalaw. Tuloy-tuloy pa rin ang pagte-therapy ang TV host matapos itong atakehin.
“Si Kuya Germs lagi kong nakakasama sa “Walang Tulugan,” reaksyon niya nang makatsikahan siya ng Philippine Showbiz Republic (PSR.ph) sa presscon ng “Buena Familia.”
“Dinadalaw ko si Kuya Germs,” paglilinaw pa niya.“Minsan tinatawagan ko siya, ‘Tay okay ka lang ba?,’” dagdag pa niya.
May chika din na nai-insecure diumano siya sa bagong talent ni Kuya Germs na si Prince.
“Ay grabe, “ natawang reaksyon ni Jake. “Walang ganoon. Si Prince nakakasama ko din iyan sa show. Sobrang bait nung batang ‘yun. Halos lahat ng kasama ko sa “Walang Tulugan” parang mga kapatid ko na, para kaming isang buong pamilya. Walang ganoong isyu,” paglilinaw pa niya.
Napag-usapan din namin ang pasarang show na “Sunday All Stars.” Sinabihan na raw sila noong Linggo na ang last taping nila ay sa August 2. Nalulungkot din siya kasi nandoon na ang bonding ng co-stars niya sa loob ng dalawang taon na umere ang show.
“Sobrang nakakapanghinayang kasi matagal din naman kami. Nag-umpisa tayo sa “SOP” tapos naging “Party Pilipinas” then naging “Sunday All Stars.” Kasi ‘yung samahan namin, magkakapatid din kami dun, pamilya kami tapos bigla na lang mawawala. Sobrang minahal din naman namin ‘yung show. Ibinigay din naming yung anuman na makakaya namin,” bulalas pa niya.
Pero tatlo pa naman ang maiiwan niyang show ani Jake. Mapapanood pa rin siya sa “Walang Tulugan, “Pepito Manaloto,” at itong “Buena Familia.”
Magsisimula na sa July 27 ang “Buena Familia” sa Afternoon Prime ng GMA. Magiging kapalit ito ng “Yagit.” Makakasama rin niya sina Angelu De Leon, Bobby Andrews, Julie Anne San Jose, Julian Trono, Mona Louise Rey, Martin del Rosario at Sheryl Cruz. Nandiyan din sina Jackie Rice, Ryza Cenon, Aicelle Santos, Mayton Eugenio, Mel Kimura, Lou Sison, at Ms. Tessie Tomas. Ito’y sa diresyon ni Gil Tejada Jr.