
Janine receives positive reviews; Lotlot appears on ‘Dito At Doon’
Pinakaunang beses na naging magkaeksena sa isang pelikula sina Janine Gutierrez at Lotlot de Leon sa Dito At Doon.
Nagkasama na sila dati sa Buy Now, Die Later pero young Lotlot de Leon ang papel ni Janine doon.
“Gumawa po kami ng pelikula ni Mama before pero ang role ko ay batang siya, so ngayon ko lang talaga siya nakaeksena sa pelikula,” kuwento ni Janine.
Sa pelikulang Dagsin naman, magkasama sila pero nasa magkaibang henerasyon ang mga karakter nila pero hindi sila nagkita kahit na sa isang eksena.
Pero dito sa Dito At Doon ng TBA Studios/WASD Films, na patuloy na umaani ng positive reviews at kasalukuyang mapapanood via streaming, ay mag-ina ang papel nila.
Pero kahit mag-ina sila, magkahalong tuwa at kaba ang naramdaman ni Janine sa mga eksena nila ng mommy niya.
“Ano po, ninenerbiyos po ako, e.
“Ano kasi, parang feeling ko I have to step up kapag si Mama yung kaeksena ko dahil nga siyempre, nanay ko siya at lahat naman ng ginagawa ko ay para maging proud siya.
“On one hand, it’s easier dahil nanay ko siya, on another hand, it’s harder dahil nanay ko siya.
“It was very fun at na-appreciate ko na talagang ginawan niya ng paraan na magawa niya yung pelikula sa schedule niya at lahat- lahat.”
Special participation lamang ang ganap ni Lotlot sa Dito At Doon, pero dahil mahusay na aktres, makabagbag-damdamin ang mga eksena nilang mag-ina.
May eksena silang niyakap niya ito dahil sa pag-aalala dahil sa isang delikadong sitwasyon sa pelikula, mas nakatulong ba kay Janine na totoong ina niya mismo ang kaeksena niya?
“Parang hindi po, mas kinabahan ako e,” at muling tumawa ang aktres. “Mas kinabahan ako. Ewan ko ba, ano’ng problema ko… charot! It was hard for me dahil… I don’t know…”
Pagpapatuloy pang kuwento ni Janine, “Mas na-feel ko noong pinapanood ko na siya. I watched it kasi with my siblings, tapos lahat kami kapag papasok si Mama sabay parang sisigaw kami, ‘Wooh!’
“Tapos parang noong medyo alanganin yung sitwasyon, yung kapatid ko umiyak, ganyan.”
Umiyak daw ang bunsong kapatid niyang si Maxine Gutierrez sa dramatic scene na iyon nila ng Mama nila.
“So parang on screen, mas nakaka-affect siya for me. Pero while shooting it, mas kinakabahan po ako, kaya tinulungan pa talaga ako ni direk JP sa eksena na yun, kasi ano… ewan ko, nai-starstruck po kasi siguro ako sa nanay ko,” nakatawang saad pa ni Janine.
May isa pang eksena sa Dito At Doon na naka-relate si Janine nang husto.
“Ito yung nagtanong siya sa akin kung ano ang pangalan ng bago kong kaibigan na nagpapasaya sa akin.
“Tapos yung mukha niya ganito, ganun talaga siya tumingin sa totoong buhay,” bulalas ni Janine.
“Marami talagang naka-relate, so iba talaga yung mga nanay, ‘no? May psychic powers sila! Alam nila kapag mayroon kang iniibig.
“Kung makatingin yung nanay iba talaga and yung nanay ko ganyan talaga kaya medyo kinilabutan ako noong pinanood ko,” pahayag pa ni Janine.
Available na for streaming ang Dito At Doon sa limang major online platforms: KTX.ph ( https://www.ktx.ph/); Cinema ’76 @ Home(https://cinema76fs.eventive.org/welcome); iWant TFC ( https://tfc.tv/), Upstream ( https://upstream.ph/) at sa Ticket2Me (https://ticket2me.net/).
Sa direksyon ni JP Habac, bidang lalaki sa Dito At Doon si JC Santos at nasa cast rin sina Victor Anastacio at Yesh Burce.