
Janus del Prado finds a new family in “Ang Bagong Pamilya ni Ponching”

Happy si Janus del Prado na bida na siya sa Cinemalaya movie na “Ang Bagong Pamilya ni Ponching” na kalahok sa 12th Cinemalaya Independent Film Festival.
“Iyon kasing mga roles na naa-assign na sa akin kundi sidekick o best friend ng bida, support siya. Kaya, nagpapasalamat ako na merong Cinemalaya dahil nabibigyan ng pagkakataon ang isang tulad ko na makapagbida sa pelikula”, pagbibida niya.
Pinangarap mo bang maging bida sa pelikula?
“Honestly, hindi ko inakalang darating siya sa buhay ko. Kasi, hindi naman pang-matinee idol ang looks ko, kaya sobrang proud ako na nai-consider ako sa role”, aniya. “Iyong pagbibida, siyempre, pangarap iyon ng bawat artista…iyong magkaroon ng pelikula na ikaw ang magdadala”, paliwanag niya.
Bilang Ponching, isang text scammer ang role mo rito. Nagkaroon ka na ba ng karanasan sa mga scammers?
“Lahat naman tayo, napapadalhan ng mga text scams sa ating mga cellphones, pero hindi pa ako nabibiktima”, pagtatapat niya.
Ano ang masasabi mo sa mga text scammers?
“Iyon. Minsan, nakakatuwa. Minsan, nakakainis. Minsan, iyong iba, garapalan. Pero totoo talaga na may nagpadala sa akin minsan. Tsinek ko nga ang load ko pagkatapos at doon ko nalamang nabawasan na pala, pero hindi naman siya big deal sa akin kasi maliit lang iyong nabawas. Iba’t iba kasi ang klase ng scams sa text”, pagtatapat niya.
Sa pelikulang “Ang Bagong Pamilya ni Ponching”, nabiktima mo iyong isang mayamang pamilya at napaniwala mong ikaw ang nawawala nilang kamag-anak. Sa palagay mo ba, may mga pagkakataong nakabubuti ang pagsisinungaling?
“Actually, depende sa pagsisinungaling. Kung white lie lang iyan at wala namang masasagasaan, minsan naju-justify. Minsan kasi rason nila ay pamilya o dahil unfair ang mundo o kaya naman ay may itinatago ka dahil ayaw mong masaktan ang kaibigan mo tulad na lamang kapag sinasabi mo na maganda siya o matalino kahit hindi para lang ma-encourage siya at hindi masaktan o kaya naman ay ayaw mo siyang mapahamak. Halimbawa nagsinungaling ka dahil may sakit iyong pinaglilihiman mo at posibleng ikamatay niya iyong sasabihin mo, so nagpaka-safe ka lang”, aniya.
“Pero kung ang pagsisinungaling ay labag sa batas tulad ng perjury o gusto mo lang manira ng puri, ibang bagay na iyon. Sa pelikula namin, ipinakita na nakabuti ang pagsisinungaling para may ma-realize iyong mga tao para mabuklod iyong kanilang pamilya o mabago ang pananaw ng ilan sa mga bagay-bagay na wala silang dapat katakutang itago”, pahabol niya.
Kumusta naman ang experience sa pakikipagtrabaho sa cast and crew?
“Ang totoo, nakahanap talaga ako ng bagong pamilya sa kanila. It’s fun na katrabaho sila. Masaya lagi kami sa set at iyong bonding namin, nakaka-miss. I’m glad na nakakilala ako ng mga bagong kaibigan dahil parang pamilya na talaga ang turingan namin sa isa’t-isa. Iyong suporta na ibinibigay is something that I would cherish for the rest of my life”, pagbubunyag niya.
Sa palagay mo ba, pagkatapos ng “Ang Bagong Pamilya ni Ponching” ,tuloy-tuloy na ang mga lead roles mo?
“Ayokong mag-expect, pero sana, mapansin. Hindi natin masabi”, pagwawakas ni Janus.
Kabituin ni Janus sa “Ang Bagong Pamilya ni Ponching” sina Ketchup Eusebio, Odette Khan, Lollie Mara, Mimi Acueza, Ricardo Cepeda, Joyce Burton-Titular, Jackie Lou Blanco, Alibreza Libre, Phynne Barnett, Richard Manabat, Sam Thurman, Ria Garcia, Joanna bago, Manuel Velasco, Ricky Sanchez at iba pa.
Ito ay sa direksyon nina Inna Miren Salazar at Dos Ocampo.