
Jennylyn Mercado denies having a special diet; Dennis Trillo says he enjoys working again with Jen
By Gerry Ocampo
Maganang kumain si Jennylyn Mercado kung kaya’t nakakapagtaka kung paano niya name-maintain ang kanyang seksing pangangatawan. Katuwiran ni Jen, idinadaan daw niya sa regular at madisiplinang exercise kapag naparami ang pagkain niya. Hindi raw kasi siya tulad ng iba na kahit gutom na gutom na ay ayaw pa rin kumain at diet pa rin.
“Idinadaan ko sa workout. Kapag alam kong naparami ako ng kain, the next day todo workout na ako. Minsan naman kapag sunod-sunod ang mga trabaho natin, may time na nakaka-skip ako meal. Paunti-unti lang ang kain ko,” paliwanag niya.
“Kung ano naman ang nasa set na food ay hihingi ako ng konti para lang hindi ako magutom. Kaya wala akong diet secret. Normal ako kumain talaga,” pagmamalaki pa ni Jen.
Dahil sa muli silang magsasama ni Dennis Trillo sa “My Faithful Husband” pagkatapos nilang maghiwalay ay inurirat ng press kung muling nanumbalik ba ang naudlot at natapos nilang pagmamahalan?
Ayon kay Jen, wala raw nangyaring balikan pero mas maganda raw ang samahan nila ngayon ni Dennis. Kapwa na raw sila nag-matured at naging kampante na muli sa isa`t-isa.
Nang si Dennis naman ang tanungin kung possible raw ba this time ay makatuluyan sila ni Jen. Ayaw magsalita ng tapos ni Dennis pero pinagdiinan na sa ngayon ay hanggang magkaibigan lang ang turingan nila ni Jennylyn. Wala pa raw sa isip niya ang lumagay sa tahimik dahil marami pa siyang gustong gawin sa buhay.
Sa “My Faithful Husband” ay isang martyr na husband si Dennis na nagawang lokohin ni Jennylyn dahil pumatol sa ibang lalake. Pero nagawa pa rin mahalin ni Dennis si Jennylyn dahil super love niya ito. Humirit nga si Dennis sa usapan at sinabing, “First time ko lalabas na sobrang bait sa asawa. Kung dati ako yung nangangaliwa sa mga role, naging kabit na rin ako. Ngayon mabait ako. Naisip ko matagal ko na rin pala hindi nagagawa yung mabait na character. Kasi yung huli ko nagawa, may pelikula ako pumapatay ng tao, ako yung kabit. Yung isa ko pelikula marami akong chicks. So, ngayon parang refreshing na mabait naman ako.”
Bago kami umalis ng presscon, muli namin inungkat na posibleng ligawan at mauwi na sa kasalan ang pagkikita at pagsasama nila ni Jennylyn sa “My Faithful Husband.”
“Walang kasalan. Mas nage-enjoy kami ngayon sa nangyayari sa career namin ni Jen,” pagtatapos ni Dennis.