
Jerald Napoles shows his dramatic side in “Pauwi Na”
by Archie Liao
Identified ang singer-actor na si Jerald Napoles sa mga comic roles dahil sa kanyang exposure sa mga comedy skits ng “Sunday Pinasaya” at ng kanyang wacky TV series na “Conan, My Beautician” sa GMA-7 kung saan kasama niya si Mark Herras.
Pero sa pelikulang “Pauwi Na”, kakaiba at seryosong Jerald ang mapapanood.
Nakilala ka sa mga comic roles, sa palagay mo ba, seseryosohin ka na ng mga tao bilang dramatic actor sa bago mong pelikula?
“Hindi ko alam pero hindi naman drama lang ang “Pauwi Na”. May touches of humor siya. Iyong situation niya is funny without us making patawa”, aniya.
Award-winning actors ang mga kasama mo sa “Pauwi Na” tulad nina Bembol Roco, Cherie Pie Picache at Meryl Soriano. Hindi ka ba nailang o na-pressure na makasama sila?
“Noong malaman ko na sila ang makakasama ko, sumakit ang ulo ko. Pero, I know naman my capabilities as an actor at naa-appreciate ko iyong support nila sa akin. Naging kaibigan ko sila at dahil sa suporta nila sa akin, inisip ko na hindi ako dapat matakot na magkamali dahil kung sumablay ako ay may tutulong sa akin”, paliwanag niya.
Aminado rin si Jerald na kailangan niyang mag-level up kapag ka-eksena ang tatlong award. winning actors.
“Hindi ka puwedeng basta mag-relax na lang. Kung gusto mong mag-level up, kailangang magsipag ka. So, challenge talaga na kailangang mag-level up ka para makasabay ka sa kanila or else, malalamon ka nila nang buong-buo”, sey niya.
Papel ng anak nina Bembol at Cherie Pie na may asawang bulag na binibigyang buhay ni Meryl ang role ni Jerald sa “Pauwi Na”.
Ayon pa kay Jerald, kahit busy siya sa pelikula at telebisyon, hindi niya naisip kailanman na talikuran ang teatro na mahal na mahal sa kanya.
“Malaki ang utang ko sa entablado dahil doon ako nagmula at doon din ako nakilala. Kaya nga, every time na may mga offers sa akin to do stage tulad na lang ng “Rak of Aegis” kung saan naka-limang season na ako, ginagawan ko talaga siya ng paraan na maisingit sa sked ko, kasi, it’s only my way of paying back”, deklara niya.
Tungkol naman sa mga gay roles na madalas na matoka sa kanya, hindi worried si Jerald na ma-typecast o makulong sa ganoong klase ng mga roles.
“May mga nagtatanong nga sa akin, kung natuluyan na ba akong bumigay. Sabi ko naman, once na natuluyan na ako, aabisuhan ko sila”, pagbibiro niya. “But seriously, it’s a role for me at pangkabuhayan showcase rin siya”, pahabol niya.
Marami nang mga komedyante ang nabibigyan ng breaks na mag-lead tulad nina Kiray, Cai Cortez at iba pa. Ano ang masasabi mo rito?
“Natutuwa ako dahil kahit sa TV, marami na ring stand-up comedians ang nagsha-shine at iyon nga, iyong ibang comedians, nabibigyan ng lead. Na tanggap sila ng mga tao na puwede palang sumikat sila na ang puhunan nila ay ang kanilang talent at hindi ang kanilang ‘looks’,”pagtatapos niya.
Ang “Pauwi Na” ay isang road movie tungkol sa isang pamilya na ang hangad ay umuwi na ng probinsiya gamit ang kanilang pedicab dahil wala na silang oportunidad o hindi na maka-survive sa city. Ito ay mula sa direksyon ng award-winning filmmaker na si Paolo Villaluna na nakilala sa kanyang mga obrang “Selda”, “Ilusyon” at “Walang Hanggang Paalam”.
Bukod kay Jerald, nasa cast ng pelikula sina Bembol Roco, Cherie Pie Picache, Meryll Soriano, Jess Mendoza at Chai Fonacier.
For your comments/reactions write to artzy02@yahoo.com.