
Jiro Manio plans to resume his ‘interrupted’ showbiz career
Kalalabas lang ng rehabilitation center ng dating child actor na si Jiro Manio. Kasalukuyang inaayos ni Jiro ang relasyon nito sa kanyang kinalakihang pamilya. Matatandaan na bago pumasok ng rehab si Jiro ay nakaalitan nito ang kanyang adoptive father na si Daddy Andy. Pero nakipag-ayos na raw siya pagkatapos nilang magkita.
Ayon mismo kay Jiro, “Yung family ko naman po, wala naman po kaming pinag-awayan. More of tampuhan lang. Siguro yung mga issue dati, tungkol po sa akin yun. Na-realized ko kung bakit ko ginagawa yung masamang bisyo dati at kung bakit ako nalihis ng daan sa maling paraan.”
“Siguro po sa ngayon, ready na ang family ko, accepted na nila na finally ay nagbago na ako,” dagdag pa ni Jiro.
Nagkaroon na ng pagkakataong mag-usap sila ni Daddy Andy niya at suportado naman nito ang pagbabago niya at ang muling pagbabalik sa showbiz. “Pagkalabas ko po, nagpunta na po ako sa bahay. Past is past na po. Naayos na po anumang gusto yung namagitan sa amin dati. Yung suporta po nila sa akin, nandun pa rin. Yung pag-cheer up nila na bumalik ako sa mga bagay na enjoy ko po dati.”
Dito rin napagtanto ni Jiro na ganun pala kahalaga ang pamilya sa buhay ng tao. “Wala naman po akong ibang tatakbuhan kung hindi sila lang (pamilya). Dahil kung mag-isa po ako, parang hindi ko pa pala kaya.”
Tungkol naman sa planong makilala ng personal ang kanyang biological Japanese dad, umaasa si Jiro na makikilala rin niya ito. “Yun pa rin po yung inaasahan ko. Kasi ever since na ipinanganak ako, dun ako ibinigay sa family na kinalakihan ko. So matagal ko na po siyang hindi nakikita. I just want to talk to him personally.”
Dagdag pa ni Jiro, “Maayos namin yung dapat kong gawin, ang routine, tapos yung pagbabalik ko sa showbiz, kung susuportahan niya ako.”
Mas maganda na rn ang tikas ng katawan ni Jiro ngayon kaysa noong nakaraang taon. Regular na ang pagpunta nito sa gym at workshop, inaayos na rin ni Ai A Delas Alas ang magiging tirahan ni Jiro. All-out support talaga si Ai Ai sa kalagayan ni Jiro. Ayon sa komedyana, sisiguruhin nito na hindi na muling mauulit ang nangyari kay Jiro.
Balak din daw kumuha ang Comedy Queen ng condo unit kung saan makakasama pa ang isa pang tatay-tatayan ni Jiro, ang nakatatandang kapatid ni daddy Andy. Kasalukuyan din itong naghahanap ng personal assistant na mag-aalaga at magmu-monitor sa aktor.
Seryosong pahayag ni Jiro, “Malaki po ang expectations ko na makabalik ako sa showbiz dahil kay Mama Ai.
“Sa dami po ng balita na tinulungan niya ako, nagpapasalamat po ako, hindi lang sa kanya pati na rin kay God.
“Nagpapasalamat po ako sa lahat na nagtiwala sa akin.”
Isang malaking hamon ang kanyang pagbabagong buhay para kay Jiro. Laking pasasalamat nito kay Mama Ai Ai niya sa pagmamalasakit nito sa kanya. Dalagin naman ni Ai Ai na sana’y tuluyan nang gumaling si Jiro. Kailangan pa raw nito ng regular na medication. Kaya minu-montior pa rin niya ito dahil sa gamot na kailangan inumin sa bawat araw. Mayroon ding ini-inject sa kanya tuwing 11th of the month.
“Mahirap kasi para kang may inaalagaan na baby. Siyempre, hindi pwedeng ako lang, dapat tinutukungan din niya ang sarili niya. Kahit gusto kong ganito, kung ayaw naman niyang tulungan ang sarili niya, wala naman din tayong magagawa. Basta, ang prayers ko lang, sana gumaling siya. At sana kung ano ang maging plano ko, maging tuluy-tuloy na at sumunod lang siya.”