
JM de Guzman bounces back with an award
Parang na-mental block si JM De Guzman at hindi na alam ang sasabihin matapos tanggapin ang kanyang trophy bilang PinakaPASADOng Aktor Ng Taon para sa Gawad-Pasado Awards na taunang ibinibigay ng mga teachers na miyembro ng Pambansang Samahan Ng Mga Dalubguro. Ginanap ang awarding ceremony sa auditorium ng san Sebastian Colege-Recoletos noong nakaraang Sabado, April 11.
Bukod sa kanya ay pinarangalan din bilang best actor sina Allen Dizon for Magkakabaung, at si John Lloyd Cruz para naman sa pelikulang The Trial.
Pero tanging si JM lang ang nakadalo. Si Allen kasi ay nasa Malaysia para sa Aean International Film Festival samantalang si John Lloyd naman ay may taping daw kaya hindi ito nakarating.
“Sobrang saya! Sobrang speechless ako,” sabi ng aktor nang makausap ng Philippine Showbiz Republic (psr.ph).
“Nung nandoon ako sa stage, ang dami kong gustong pasalamatan. Ang dami kong gustong sabihin. Pero inabot ako ng hiya!” nakangiting pagdidiin pa ng aktor.
“Siyempre, malaki ang pasasalamat ko sa ABS CBN, sa Star Magic, sa handler ko na si Ate Portia. Tapos sa mga direktor na nakatrabaho ko, sa mga kaibigan ko, sa mga kasama ko parati sa itaas man o sa ibaba. Also kay Angelica (Panganiban) at kay Direk Tonette (Antoinette Jadaone) sa pagtitiwala.
Sa lahat ng bumubuo ng That Thing Called Tadhana. Kung hindi dahil sa kanila, wala ito.”
“Sobrang happy po ako. Nai-inspire ako to work harder. Mas focused ako sa career ko ngayon. Yes!”
Kumpara sa ibang award giving bodies, naiiba ang Gawad-Pasado kasi mga teachers na miyembro ng Pambansang Samahan Ng Mga Dalubguro ang nagbibigay nito.
Unang beses pa lang ni JM na mabigyan ng award dito.
“Isa pong malaking karangalan ito. Dahil yung mga guro po, considered as heroes po natin ‘yan. Kung wala po sila, walang magtuturo. Walang magiging guide sa mga bata. And para sila yung maging jury ng Pasado, malaking karangalan po sa akin. Bilang binigyan po nila ako na PinakaPASADOng Aktor.”
Ang ex- girlfriend niyang si Jessy Mendiola, masaya at proud din nga raw sa pagkapanalo niya ng award. “Sabi niya sa akin, congrats!”
Kumusta ba sila ni Jessy ngayon?
“Okay naman po. Masaya po ako.”
Nagkabalikan na ba sila?
“Basta. Hindi ko pa po masagot, e. Ang isa sa goal ko ngayon, sana maging kami ulit.”
Ano yung lesson na natutunan niya sa mga nangyari sa kanya at sa kanila ni Jessy na sa tingin niya ay maia-apply niya sa ngayon?
“Kapag immature ka o bata ka, masyado kang tactless. Sa decision making, sa pag-iisip, dapat maging mas maingat at hindi padalus-dalos. And also take time to enjoy things and to appreciate things and life.
Ano ang mga nakalinya niyang bagong projects na gagawin?
“Meron pong pelikula under Quantum Films. Pero hindi ko pa po puwedeng sabihin kung ano.”
Sinong artista ang makakasama niya?
“Si Nico Antonio po. Yun pa lang po ang puwede kong masabi.”
May gagawin din ba siyang bagong teleserye sa ABS-CBN?
“Next week, mag-start nap o kaming mag-taping para doon sa bagong soap. Working title pa lang po, so hindi ko pa masasabi. Kasama ko po rito si Aaron Villaflor, Yen Santos, at saka si Albert Martinez.”