May 22, 2025
Joel Lamangan misses stage acting
Latest Articles

Joel Lamangan misses stage acting

May 2, 2019

Balik sa pagdidirek ng teatro ang magaling at multi-awarded director na si Joel Lamangan sa rerun ng Binondo: A Tsinoy Musical na naging critical acclaim noong nakaraang taon.

Sey pa niya, kaabang-abang ang nasabing musical dahil sa Asian appeal nito.

“Bago ang producer namin, taga Singapore. Singaporean ang producer at mas pinaigting namin ang mga eksena. Meron akong tinanggal na eksena at meron ding idinagdag at inayos ko pang mabuti iyong opening,” aniya.” Ayon sa producer, baka maipalabas siya sa Singapore,” dugtong niya.

Sa rerun nito, muling gagampanan nina Shiela Valderrama-Martinez at Arman Ferrer ang papel nina Lily at Ah Tiong, ang star-crossed lovers na ang pagmamahalan ay sinubok ng panahon.

Paliwanag pa ni Direk, walang ka-alternate sina Shiela at Arman ngayong taon dahil may prior commitment sina Carla Guevara-Laforteza at David Ezra sa ibang theater company.

“May commitment silang iba sa CCP at meron din silang gagawing Beautiful,” pahayag niya.

Nakagawa na rin si Direk Joel ng musical movie na Zsazsa Zaturnah: The Movie na malugod na tinanggap ng mga manonood.

Tsika pa niya, enjoy siya sa paggawa ng ganitong genre dahil sobrang nacha-challenge ang kanyang artistry.

Kung mabibigyan siya ng pagkakataon,gusto niyang i-adapt ito sa big screen.

“Maganda siyang mapanood sa big screen dahil napa-rich ng narrative niya tulad na lamang ng mga ginawa ko like Mano Po na tumatalakay din sa kultura ng mga Tsinoy,” lahad niya.

Feeling din niya, hinog na rin at napapanahon na gawing male lead sa pelikula ang lead actor nitong si Arman Ferrer na tulad niya ay nagsimula sa teatro.

“Bakit naman hindi? Magaling naman siya. Kung sakaling may gagawa o may magproprodyus, puwedeng i-retain o puwedeng mabago ang cast,” ani Direk Joel.

Hirit pa ni Direk, nami-miss na rin niya ang pag-arte sa entablado at malamang na mapanood muli siyang umaarte sa last quarter ng taon.

Type rin niyang gumawa ng kakaiba at markadong role tulad ng bida sa kontrobersyal na dulang Kiss of A Spiderwoman tungkol sa isang bilanggo na naging katalik ang kanyang inmate.

“Iba naman ang gagawin ko. Ayoko nang gumawa ng ginawa ng iba,” giit niya.

Gayunpaman, kung may mag-ooffer daw na gawin niya ito sa teatro, hindi raw niya ito tatanggihan dahil isa siyang aktor.

Kung sakali raw, type niyang makilaplapan ang tipo ni Tony Labrusca.

“Pwede. Ako naman kung sino ang lalakeng ilagay nila roon, basta marunong umarte, okey na ako roon,” aniya. “Kung ako ang masusunod, mag-aaudition ako ng marunong umarte at kung sino ang marunong umarte at medyo may hitsura, eh, di iyon. Aanhin ko naman ang may pangalan kung hindi naman mahusay o bano, e di huwag na lang, baka makaaway ko pa o matalakan ko pa sa set,” pagtatapos niya.

Ang Binondo: A Tsinoy Musical na iprinudyus ng Marites Alava-Yong Foundation mula sa original story ni Rebecca Chuaunsu, libretto nina Ricky Lee, Gershom Chua at Eljay Castro Deldoc at musika ni Von de Guzman ay mapapanood mula Hulyo 12 hanggang 14 sa Theatre at Solaire.

Kasama rin sa cast sina Noel Rayos bilang Carlos, Mariella Laurel bilang Jasmine, Jim Pebangco, Lorenz Martinez, Khalil Kaimo, Rhapsody Li, Ellrica Laguardia, Ima Castro, Ashley Mickaela Factor, Dondi Ong, Kay Balajadia, Jennifer dela Cruz, Elizabeth Chua, Russell Magno, Jonel Mojica, Philip Deles at marami pang iba.

Ang Binondo: A Tsinoy Musical ay nagwaging best original musical production, best ensemble performance at best musical stage director para kay Lamangan sa 2018 Aliw awards.

Leave a comment