
John ”Sweet” Lapus shares the secret of his staying power in show-business
Masaya si John “Sweet” Lapus dahil sa more than 30 years niya sa showbusiness ay patuloy pa ring humahataw ang kanyang career.
“I’m honored that I still get to land in lead roles tulad ng “Echorsis” at pati iyong ginagawa kong “Working Beks” para sa Viva”, aniya.
Ayon pa kay Sweet, honored siya na makasama sa toprating teleseryeng “Doble Kara” sa Kapamilya gold block na pinagbibidahan ni Julia Montes.
“It’s a pleasure to be supporting these leads like Julia Montes sa “Doble Kara” at kay Julia Baretto na nakatrabaho ko sa “Mirabella” noon. Actually, happy ako dahil kahit nagkaka-edad na ako ay nag-e-evolve ang mga characters na ginagampanan ko. Sa “Mirabella”, naging tatay ako ni Julia, tapos ngayon lola na ako rito sa “Doble Kara”. So kapag nagma-mature ka as a person, nagma-mature rin ang mga roles na naa-assign sa iyo. Siguro, baka sa susunod, lola sa tuhod na ang role ko”, sey niya. “Actually, happy ako dahil as a gay actor ako, hindi nauubusan ng ideya ng creative ng Dreamscape sa kung ano pa ang puwede kong gawin”, pahabol niya.
Ipinagmamalaki rin ni Sweet na ang mga supporting roles na natotoka sa kanya ay hindi basta pang-dekorasyon lang.
“For sure, iisipin ng iba na inilalagay ang character ko para magpatawa o maging ice breaker o comic relief, pero actually they made sure na hindi lang basta inilagay siya o isiningit kundi dahil importante siya sa istorya. Sa mga teleserye ko, ako minsan ang nagbibigay ng wisdom sa mga kabataan. Ako minsan iyong mediator o close friend ng bida. Sa “Doble Kara”, ako iyong nagpapakalma kay Sara (Julia) kapag nagiging hysterical na siya. Ako rin iyong nagiging tulay o minsan ay may hawak ng susi sa malaking lihim, so napaka-integral talaga niya”, aniya.
Ayon pa kay Sweet, kung meron man siyang natutunan sa kanyang tinagal-tagal sa showbusiness, ito ay ang makisama sa lahat ng kanyang mga katrabaho mula sa cast hanggang sa crew.
“100% Kapamilya ako dahil sa ABS-CBN ako nagsimula ng career ko. After 20 years ,saka ako lumipat sa GMA 7. Nag-TV5 rin ako. Tapos after 7 years sa GMA, balik ako sa ABS. So, ganyan naman talaga ang showbiz. Kung wala kang kontrata, wala kang trabaho. Walang masama kung lumipat ka ng network, dahil gusto mo rin namang mabuhay. Sa kaso ko lang, hindi ako nagsasalita nang tapos. Kasi, natutunan ko na ‘you should not burn bridges’ kasi maliit lang ang mundo ng showbiz… at siyempre, dapat mag-i-invest ka rin sa pakikisama dahil kung umalis ka man sa isang network, may patutunguhan ka o may puwede ka pang balikan”, pagbabahagi ni Sweet.
Sa “Doble Kara”,ginagampanan ni Sweet ang papel ni Itoy, ang kaibigang matalik nina Laura (Mylene Dizon) at Ishmael (Ariel Rivera) at ninang nina Sara at Kara na binibigyang buhay ni Julia Montes.
Isa pa sa fervent wish ni Sweet ay ang makasama sa teleserye ni Coco Martin.
“Pag kasi, teleserye ni Coco, nagtatagal. Wish ko na nananatili sa mga shows na nagtatagal kaya sana sa next show ko o teleserye, sana makasama ako”, pagwawakas niya.
Sa nalalapit na anibersaryo ni Sweet, balak niyang mag-stage ng isang show bilang selebrasyon ng kanyang ilang dekada sa showbusiness.