
Joross Gamboa relates his experience in doing the film “I Love You. Thank You”
Buwis-buhay. Ganito kung ilarawan ni Joross Gamboa ang kanyang experience doing the film “I Love You. Thank You” na idinerehe ni Charliebebs Gohetia.
Nag-shoot sila sa Thailand, Vietnam, at Cambodia. Totoo bang may mga pagkakataon na tumutulong siyang magbitbit ng camera at iba pang gamit ng production?
“Nagtulong-tulong po kami roon,” kuwento ni Joross sa Philippine Showbiz Republic (PSR). “Akala mo milyon ang ginastos nung film dahil iba’t-ibang locations kami. May mga buwis buhay din kami doon!” sabay ngiting sabi ng aktor. “Meaning… puwede kaming makulong anytime!” tawa pa niya.
“Dahil ‘yung mga location shoots namin, for example ay sa isang hotel sa Thailand. ‘Yung isang cameraman namin na babae, magu-unifor siya na pang-frontdesk para kapag wala yung tao doon sa may bandang frontdesk, bigla siyang pupunta roon. So biglang shoot kami! Acting-an… ganyan, kunyari nagtatanong. Tapos sabay pagka-cut, hiwa-hiwalay kami. Tapos darating ang security, nag-iikot. So may mga gano’n kaming ano… puro nakaw na eksena. Sa park, lagi kaming sinisita ng mga pulis. Bawal mag-shoot doon. Pero hinaharang lang ng producer namin, sasabihin… ‘English only, I cannot understand.’”
“Para habang nagtatalo sila roon, sinasabihan kami ng director… tuloy n’yo lang ‘yong acting, ituloy n’yo lang. So… medyo nakakakaba in a way. Kasi umaarte ka at the same time may nangyayari roon na pinapaalis kayo ng mga pulis. Challenging siya kasi as actors, siyempre ‘yung concentration namin. Na… umarte, at the back of our minds may mga security at mga pulis na diyan!,” tawa na naman niya.
Bakit hinayaan lang niya at ng mga kasama niya na wala silang permit na mag-shoot sa mga bansang pinuntahan nila?
“Hindi mo talaga siya basta-basta magagawan ng permit. Kasi ‘yung mga location, may mga lugar talaga na pang-mayayaman. Nag-shoot nga kami sa Vietnam, ‘yung tuktok ng… parang sky ranch na overlooking sa Saigon. Kasi after noon, kasama ko ang wife ko… pumupunta kami roon. ‘Yung mga location na pinupuntahan namin, ang mamahal doon!”
“Kaya makikita mo ‘yung mga location at mga lugar, mukha talaga siyang ginastusan. Like kung saan nag-shoot si Lara Croft ng Tomb Raider, may mga scenes din kami roon. So… masaya naman. Masayang experience.”
Ang “I Love You. Thank You” ay isa sa walong napiling pelikulang maglalalaban-laban sa Filipino New Cinema Section ng World Premieres Film Festival na inorganisa ng Fim Development Council Of The Philippines (FDCP) sa pakikipagtulungan ng SM Cinemas.
Kasama niya sa pelikulang ito ang Thai actor na si Ae Pattawan na gumaganap bilang gay din na na-inlove sa kanya pero hindi naman niya mahal. Tampok din dito sina CJ Reyes at Prince Estefan.
How is it working naman with Ae Pattawan na isang Thai actor nga?
“Magaling din siya. Pero iba kasi kapag ano, e… sa simula siyempre nagkaroon ng adjustments so medyo mahirap. May language barrier kasi hirap din siyang mag-English, e. So iyon ‘yung medyo kinaya naming tawirin.
Mga first day, iyon ‘yung struggles namin. Pero ‘yong mga sumunod na araw naman, medyo naayos na namin.”
Ang World Premieres Film Festival ay magsisimula mula June 24 hanggang July 7. Lahat ng walong napiling entries ay ipapalabas sa SM Cinemas.
At dahil sinasabi nga na magaling ang ibinigay ni Joross performance sa pelikulang “I Love You. Thank You,” inaasahan kaya niya na possible siyang manalo bilang best actor?
“Hindi ko pa napapanalunan ang best actress!” tawang biro niya.
“Hindi. Sa akin naman, ang importante sa akin is mai-deliver namin ang pelikula sa lahat ng tao nang maayos. So sa akin, everything follows. Kumbaga ‘yung awards na hinahangad ng karamihan, bonus na lang kasi iyon, e.”
After shooting “I Love You. Thank You,” ano ang mga bagong na-realize niya hinggil sa relationships?
“Actually kasi, natutunan ko na marami palang ‘leveling.’ Dati kasi iniisip ko, babae ka lang or lalake ka lang. Kaya ‘yung situation, mas nagiging complicated kasi iyong pagmamahal is marami talagang leveling.”
Sa ngayon, ano pa ang ibang pinagkakaabalahan niya?
“’Yung “Bridges Of Love.” And hopefully, magsisimula na rin akong mag-aral ng scriptwriting kay Sir Ricky Lee ngayong Sabado (June 6).
“So hopefully in the future ay maging scriptwriter at direktor din ako. At thankful ako dahil tinulungan ako ni Inang (Direk Olive Lamasan), in-enroll niya ako kay Sir Ricky Lee.”