
Judy Ann Santos-Agoncillo returns to ‘Maalaala Mo Kaya’ after 7 years for its Mother’s Day Special Episode
by PSR News Bureau
[metaslider id=10855]
Matagal na panahon bago muling nakagawa ng isang episode para sa top-rating ABS-CBN show na ‘Maalaala Mo Kaya’ (MMK) ang premyadong aktres at Primetime Soap Queen na si Judy Ann Santos-Agoncillo. “Pitong taon muna ang lumipas bago ako muling nakaganap ng isang mahalagang papel sa ‘MMK,’” bungad sa press ni Juday kabilang na ang Philippine Showbiz Republic (PSR).
“Hindi ko nga rin alam kung bakit sa tinagal-tagal ng panahon, ngayon lang ulit ako nakagawang muli para sa ‘MMK.’ Hindi naman dahil sa naging mapili ako sa roles na aking gagampanan, but I think it’s more of the schedule. Ngayon lang ako nakaluluwag at naging available,” paliwanag ng ‘Queen of Soap Operas.’ Huling napanood ang aktres sa ‘MMK’ para sa episode na may pamagat na ‘Lason’ noon pang taong 2008. Masaya si Juday na muling nagbabalik sa ‘MMK’ para sa isang espesyal na episode para sa darating na Mother’s Day na maipapalabas nitong Sabado, May 9. Ang nasabing espesyal na pagtatanghal ni Juday para sa ‘MMK’ ay mula sa direksiyon ni Mae Cruz-Alviar. Ayon na rin sa mga taga-MMK, sa dinami-dami ng material o kuwentong kanilang nakalap, itong istorya ni Belen ang masasabing ‘fit’ para kay Juday.
Gagampanan ni Juday ang papel ng ‘MMK’ letter sender na si Belen, isang ina na nawalay sa kanyang mga anak dala ng matinding kahirapan sa buhay. Iniwanan ni Belen ang kanyang mga anak sa kalinga ng kanyang asawa at siya’y nagtrabaho sa ibang bansa. Nang siya ay magpasiyang umuwi makalipas ang ilang taong pamamalagi sa ibang bansa bilang OFW, natuklasan niya na ibinenta pala ng kanyang asawa ang lima niyang anak. Dito iikot ang kuwento ng ‘MMK’ special mother’s day episode na ito. Isang malaking challenge kay Belen kung paano niya muling bubuuin ang kanyang pamilya.
Ayon kay Juday, madami siyang natutunan mula sa buhay ng ‘MMK’ letter sender na si Belen. “Hindi man kami nagkita ng personal pero bilib na bilib ako sa kanya (Belen). Hindi ako makapaniwala na may taong kagaya niya. Yung mga pino-problema ko, katiting lang yun kung ikukumpara ko sa mga pinagdaanan niya and yet hindi talaga siya sumuko. Hindi talaga siya nag-give up para muli niyang mabuo yung family niya.”
“There’s no such thing as a perfect mom. Iba’t-iba ang kapasidad ng isang nanay pero walang katapusan ang pagmamahal mo. Bilang isang nanay, natuto ako na mas maging mapagpasensiya at yung compassion. You have to have that extra energy for the kids and it has also made me a better person. Sabi nga ng Mommy Carol ko sa akin dati, ‘Anak, ‘pag may anak ka na, sasabihin mong tama ako.’ True enough, napatunayan ko na tama si Mommy kasi yung mga ginagawa ko dati sa kanya (Mommy Carol), ginagawa na sa akin ngayon ng mga anak ko, lalo na ni Yohan. She wants to become an actress, gusto din niyang sumasama sa akin ‘pag may shooting ako or taping. Tapos sasabihin ko sa kanya na ‘No, you have to finish your studies.’ Sasagutin niya ako with ‘but you also didn’t finish your studies right?’ Kaya nga gusto ko na makatapos siya para hindi niya pagdaanan kung anuman yung pinagdaanan ko.”
“Personally, I challenge myself to be a better person for my children. Bilang isang ina, kahit gaano ako ka-busy, I make sure that I’m still the one who prepares everything for them. Minsan ‘pag may work, may times na naho-homesick ako, parang part of me is missing. But I tell my kids that Mom is just doing her work. Yohan knows that her parents are working to give them a better life. Hindi kami sumasandal sa luho ni Ryan. Baka kasi dumating yung time that we need to downgrade our lifestyle kasi wala naman kasiguruhan dito sa industriya natin. This early, we prepare our children for that. ‘If you want this, may options na pinapakita naming na puwedeng magtipid.’ So kami ni Yohan may do-it-yourself bonding, tapos we teach them exercise as part of our daily life.”
“Malaking bagay na may partner ka kasi hindi madali magpalaki ng bata. I’m lucky to have Ryan by my side. With him, puwede akong maging bata kapag gusto kong mag-let go sa pressure at emosyon ko. Ryan is more disciplinarian. He makes sure na kinikilig pa rin ako sa kanya each and every day. Siya yung taga-aliw ko palagi. Ang pagiging maybahay at ina ng tahanan ay masasabi kong mahirap pero masaya lalo na ‘pag may katuwang ka sa buhay. Ang pinakasukli sa’yo ay tuwing sinasabi ng anak mo yung 3 magical words na ‘I love you.’ Yung kahit walang dahilan, basta they would come up to me and out of the blue they would say those words, greatest gift yun sa akin as a mom.”
Kaya pala maaliwalas ang mukha ni Juday at kahit pa late nang natapos ang kanyang taping para sa ‘MMK’ nung araw na iyon, hindi halatang kulang pa siya sa tulog. Napaka-positibo ng aura ng aktres na naramdaman naman ng press at game na game din itong sumagot sa lahat ng mga tanong sa kanya sa kabila ng pagod nito sa taping. Birthday ni Juday sa May 11 kaya’t ang kanyang paglabas muli para sa ‘MMK’ ay masasabing isang magandang handog o regalo para sa kanyang mga tagahanga.
“Ang totoo niyan, tuwing birthday ko, wala ako lagi, either nasa out of town ako or nasa abroad. Alam ni Tito Alfie (manager ni Juday) iyan, naka-plano na iyan matagal na. Basta kapag ganitong birthday ko, naka-block off yung schedule ko. Actually, ngayon lang ang birthday ko na hindi ako aalis. Kasi may ilan ding natanguang commitments like yung recipe book ko under Anvil Publishing na malapit nang i-launch. There’s this partnership with Sofitel with my self-produced recipe book. It has my favorite recipes, yung journey ko bilang personality at isang nanay, basta it has organic and healthy recipes. Although hindi kasama dun yung ‘dirty breakfast’ na palagi naming inilalagay ni Ryan (her husband) sa aming respective Instagram accounts. The recipe book will be another ‘milestone’ for Juday. So, iyon ang dahilan kaya nandito lang ako on my birthday,” sabi pa ng 37 year old na aktres.
Dahil katatapos din lang ng wedding anniversary nila ni Ryan noong April 28, naitanong din sa aktres kung kalian nila balak sundan ang bunso nilang si Lucho. “Gusto na namin masundan talaga si Lucho. Tina-try naman namin. We are praying, in God’s time. Kasi mahirap magpapayat so sana yung next if ever twins na para isang paghihirap na lang,” paliwanag ni Juday.
Tampok din sa ‘MMK’ Mother’s Day episode sina Ian De Leon, Sam Concepcion, Kristel Fulgar, Celine Lim, Mariel Pamintuan, JB Agustin, Eva Darren, Nikki Bagaporo, Neri Naig, Raquel Montessa, at Tom Olivar. Ito ay mula sa panulat ni Benjamin Benson Logronio.
Panoorin ang muling pagganap ni Judy Ann Santos-Agoncillo sa isa na namang makabagbag-damdaming espesyal na pagganap ng aktres para sa Mother’s Day episode ng ‘MMK’ nitong Sabado, May 9, 7:15 PM, pagkatapos ng ‘Home Sweetie Home’ sa ABS-CBN.