
Judy Ann Santos decries ABS-CBN shutdown
Bagamat aware si Judy Ann Santos na may kinakaharap na isyu sa franchise ang ABS-CBN na naging tahanan niya sa loob ng maraming taon, hindi niya akalaing magaganap ang pagsasara nito sa panahon na may kinakaharap na pandemic ang sambayanan.
Kahit aminado siyang may mga pagkakataong nagkakatampuhan sila ng kanyang mother network, hindi naman niya maikakaila na napalaki ng utang na loob niya sa Dos lalo pa’t may panahong nag-reyna siya sa mga teleserye ng nasabing istasyon.
Kaya naman, nalulungkot siya sa pagsasara ng Dos alinsunod sa kautusan ng NTC dahil nag-expire na ang prangkisa nito.
Nakikisimpatiya rin siya sa mga kaibigan at mga kapatid sa hanapbuhay na nagtratrabaho rito na apektado ang kabuhayan kung tuluyan nang maglalaho sa ere ang network.
Sobra rin siyang nalulungkot sa mga nababasang komento ng ilang netizen na nagbubunyi sa closure ng nabanggit na network.
Kaya naman, may apela siya sa mga ito.
“Nakakalungkot.. nakakapanghina… nakakatulala.. dalawang bagay ang hindi ko inakalang mangyayari sa buong buhay ko.. ang maranasan ang ECQ at magsara ang naging bahay at buhay ko mula 13 years old ako.. maraming mas dapat pagtuunan ng pansin sa mga panahong to.. maraming nangangailangan ng tulong mula sa gobyerno.. maraming natutulungan ang kumpanyang bumubuhay sa puso ng mga tao sa panahong to sa pamamagitan ng mga programang pwedeng magpalibang at pansamantalang makalimutan ang mga problemang pinagdadaanan nating lahat… bakit po? Bakit ngayon?? Hindi po bang mas importanteng magtulungan tayo at magkaisa kahit pansamantala na muna habang may kinakaharap tayong mas malaking kaaway? Hindi po ba dapat sama sama nating ginagawa ang pwede nating maggawa para makapagsilbi sa mamayang pilipino?? Hindi ko naiintindihan… kung may iilang tao ang nagbubunyi ngayon dahil nakuha at naggawa nilang maipasara ang abs cbn.. mas marami po kayong taong nasaktan at tinanggalan ng trabaho sa panahong lahat ng tao ay nag aalala kung paano bubuhayin ang mga pamilya nila… maari po bang makahingi ng sapat na paliwanag??”, ani Juday.