Julia Clarete quietly leaves ‘Eat Bulaga’
by PSR News Bureau
Humingi ng dispensa ang aktres/TV host at singer na si Julia Clarete sa kanyang fans nitong nakaraang Huwebes, January 14, dahil hindi man lang siya nakapagpaalam sa mga ito matapos umalis sa noontime show na ‘Eat Bulaga.’ Kaya naman, karamihan sa kanyang mga tagasubaybay ay nagtatanong kung bakit hindi na ito nakikita sa paboritong noontime show bilang isa sa mga Dabarkads. Marami kasi ang nagulat na hindi na nga napapanood ang magaling na singer sa katanghaliang palabas kung saan palagian siyang inaabangan.
Kaagad naman nagpaliwanag si Julia sa kanyang Facebook account. Aniya: “Nakatira na kasi ako sa Kuala Lumpur [Malaysia] ngayon…Pasensiya na kung hindi ako nakapag padespedida man lang. Pero hayaan ninyo, pag naayos ko na ang lahat, babalik ako para magsama-sama tayo. Sa #tamangpanahon.”
Nag-migrate na pala sa Julia sa Malaysia at dito na siya ngayon naka-base. Taong 2005 nang magsimulang mag-host si Julia ng ‘Eat Bulaga’ kung kaya’t hindi niya masisisi ang fans kung hanapin man ang kanyang presensiya ng mga ito.
Para sa mga naka-miss kay Julia, sinamantala na rin ng aktres-singer ang pagkakataon at nag-post ito ng kanyang latest gig sa Pilipinas na isang “one night only” performance na gaganapin sa 12 Monkeys Music Hall and Pub, Makati sa darating na January 26.