
Ka Freddie and other celebrities perform in Sta. Ana for Mayor’s Night
by Rodel Fernando
[metaslider id=21461]
Isang malaking tagumpay ang Mayor’s Night na ginanap noong June 3, 2016 sa Sta Ana, Cagayan Valley kung saan ito ay pinangunahan ng Punong Bayan ng naturang lugar na si Mayor Darwin Tobias.
Dinaluhan ng mga naglalakihang personalidad sa musika, pelikula at telebisyon ang pagdiriwang kung saan ay nagkaroon ng mala-konsiyerto na palabas.
Kabilang sa mga nagbigay ng kasiyahan ang beteranong singer at isa sa mga haligi ng OPM na si Freddie Aguilar.
Hanggang ngayon ay wala pa ring kupas ang boses at pagkanta ng pamosong singer. Halos magiba ang bulwagang pinagdausan ng event nang mag-perform na si Ka Freddie. Sigawan, palakpakan ang mga tao lalo na nung kinanta na niya ang mga pinasikat niyang mga awitin.
Well applauded na maituturing nang kantahin niya ang monster hit niyang “Kumusta Ka” na halos buong manonood ay sumasabay sa kanyang pag-awit. Siyempre pa, naging mainit din ang pagtanggap sa kaniyang awiting “Anak” kung saan siya nakilala at sumikat.
“Napakagandang karanasan para sa akin ang maging panauhin sa event na ito. Maraming salamat Sta Ana sa mainit ninyong pagtanggap sa akin,” natutuwang pahayag pa ng batikang singer.
Bukod kay Ka Freddie, nagbigay din ng entertainment sina Edward Benosa, Ana Capri, Chivas, Rajah Montero, Jojo Riguerra at ang mga komedyanteng sina A.K at Beki Belo. Nagsilbi namang host ang inyong lingkod kasama ang kapwa radio anchor na si Pelita Uy. Tulad ng pagtanggap kay Mr. Aguilar, nakaranas din ang mga naturang peformers ng mainit na suporta mula sa mga tao sa Sta Ana na nanood ng palabas.
Tunay nga namang napakalaking tagumpay ng gabi ng pagdiriwang dahil na rin sa patnubay ng maybahay ni Mayor Darwin na si Mrs. Lorna Tobias na naging utak at punong abala sa lahat ng naging aktibidad ng lugar sa pagdiriwang ng kanilang kapistahan.