
Ang Kabalintunaan Ng Buhay: Isang Rebyu sa Pelikulang Pamilya Ordinaryo
Kung anong nakikita, siyang ipinapakita. Kung anong naririnig, siyang ipinaparinig. Kung anong nadadama, siyang ipinapadama. Tumingin ka sa salamin at ang aktwal ang iyong masasaksihan.
Walang halong pasikot-sikot ang pelikula ni Eduardo Roy, Jr. na Pamilya Ordinaryo. Hango mula sa mata, galing mula sa bibig, patungo sa isang kwentong napanindigan ang biswal at mga letra na nagbigay buhay sa kabuuan ng pelikula.
Nagamit ng maayos ni direk Eduardo ang kanyang mata sa pagpapakita ng totoong buhay, ng totoong kwento na tahing tahi mula sa umpisa hanggang matapos ang pelikula. Isang istilo ng pagdidirehe na kakapitan ng mga manonood. Dahil kapag nabigyang hustisya, lalo na sa biswal, iyan ang isang dahilan kung bakit tututok ang manonood.
Dinala tayo ng direktor ng pelikula sa isang makatotohanang pangyayari sa ordinaryong Pilipino na nabibilang sa isang-kahig-isang-tukang sitwasyon sa bansa na walang magagawa sa hamon ng buhay kundi gumawa ng isang bagay na sa tingin ng lipunan ay masama.
Samakatuwid, hindi ginamit ng direktor ang kanyang pagiging artsy sa pelikula. Ginamit nya ang kanyang mata na kung anong makita nito sa totoong buhay ay siya ring ipapakita sa pelikula.

Maganda ang mga shot ng pelikula. Napakamakatotohanan nito. May mga intensyunal na “shaky” shots na nakapagbigay hustisya sa pelikula. Sa perspektibo ng mga manonood, nadama ang kahirapan, ang kasalatan, ang pagiging iskwater, ang paninirahan sa tabi ng kalye.
Nagbigay ng karagdagang aystetik sa pelikula ang aktwal na kuha mula sa CCTV.
Ang iskrip ng Pamilya Ordinaryo ay bunga ng isang pananaliksik. Ito ay nagpakita ng lenggwahe at kaluluwa kung sino ba talaga ang mga karakter sa pelikula. Ang mga linya ay angkop sa katayuan sa buhay ng mga karakter.
Tahing tahi ang istorya. Isang istorya na noon pa man ay laganap na sa bansa. Isang istorya na magsasabing “ito ang pinanggagalingan nila”, “ito sila bilang tao”.
Syempre, maglalaro sa utak ng manonood ang kabalintunaan ng buhay. Paano kung ang mga nagnanakaw sa kalye ay siyang mananakawan ng anak? Paano kung manhid ka na sa gawaing iligal katulad ng pagnanakaw at ngayon ikaw naman ang ninakawan? Paano mo haharapin ang kabalintunaan ng buhay? Anong magiging reaksyon mo? Saan manggagaling ang paniniwala mo? Saan ka dadalhin ng paniniwala mo?
Gumamit ang pelikula ng makatotohanang tunog. Hindi gumamit ng anumang soundtrack o tunog mula sa piano, o anuman. Ang totoong tunog mula sa kalsada, mula sa bangketa, mula sa mga ordinaryong tao, mula sa paligid ang siyang ginamit ng direktor upang mas lalong magbigay ng haplos-ng-katotohanan.
Hindi rin kailangang kwestyunin ang wardrobe. Saktong sakto ang mga kasuotan. Magaling ang pagkakasaliksik sa kwento ng karakter at sa kung anong pinanggagalingan nila.
Si Ronwaldo Martin, na gumanap na rin sa ibang indie films, ay lumikha ng isang marka sa pelikulang Pamilya Ordinaryo. Walang humarang na poste sa pagganap at pagbigay ng emosyon ng aktor sa pelikula. Iskwater, totoo, sakto.
Habang si Hasmine Kilip ay naipakita ang kanyang husay sa pag-arte, sa pagbigay ng emosyon na hinihingi ng pelikula.
Sa umpisa kinapitan na ng manonood ang Pamilya Ordinaryo dahil sa makahulugang shot nito. At hanggang sa magwakas ang pelikula, nag-iwan ito ng katanungan, nag-iwan ito ng kahulugan, nag-iwan ito ng hindi-paghinga, nag-iwan ito ng ideyang “saan dadalhin si Jane at Aries ng kabalintunaan ng buhay” habang naglalakbay sakay ng isang pampasaherong bus.
At nakita, narinig, nadama ng manonood ang kabuuan ng isang likhang biswal mula sa mata, tenga at kaluluwa ng isang Eduardo Roy, Jr.