
Kara David partners with Ayala Foundation
Mula sa pagiging award-winning journalist at acclaimed documentarist,malayo na at kapuri-puri ng nilakbay ng I-Witness host na si Kara David.
May sarili na siyang Project Malasakit foundation na sa kasalukuyan ay meron nang 21 scholars.
“2001, nag-start iyon. Meron akong docu sa I-Witness na Gamugamo sa Dilim tungkol sa isang lugar na walang kuryente. Tapos may isang bata na valedictorian na lumuwas ng Maynila dahil gusto raw niyang yumaman. Pumunta ako kung saan siya nakikitira at natakot ako na baka ma-rape iyong bata o mapariwara. Doon ko na-realize na baka mali ang values na naituro ko sa kanya kasi noong pumunta ako roon sa probinsya nila, nakita niya na ang taga-Maynila, okey naman ang buhay. Sabi ko bumalik ka ng Mindoro, pag-aaralin kita. So, it started with one person, with one scholar na pinaaral namin. Pinaaral ko sa tulong ng mga kaibigan ko. Napaaral namin siya hanggang college. Pagkatapos noon, naghanap kami ng iba pa, iyong mga child laborers na napi-feature namin sa I-Witness. Naghahanap na ako ng donor nila because eventually hindi na ako naghahanap pag inere ko siya sa TV. Automatic na merong tumatawag na sa akin na gustong tumulong, so inili-link ko na sila. After 1 kid, 2 kids, naging 5 kids hanggang na-realize ko na mas maganda na hindi lang tulungan ang isang bata, na tulungan na ang isang community,” lahad niya.
Sa pamamagitan ng kanyang foundation at sa pakikipagtulungan sa mga LGUs, government agencies at iba’t ibang socio-civic organizations, nakapagpatayo na sila ng mga solar power systems, day care centers at schools para sa iba’t ibang komunidad.
Sa kanyang karanasan sa pagtulong sa mga katutubo at mga nasalanta ng kalamidad at maging sa mga nasa laylayan ng lipunan na nbubuhay sa karalitaan, napagtanto niyang importante na malaman ng mga tumutulong ang tunay na pangangailangan ng mga taong gusto nilang tulungan.
“Importante rin kasi na tanungin mo sila,kasi minsan nagre-relief ang gobyerno na hindi akma sa mga needs nila. Nangyari kasi iyan noon pagkatapos ng Pinatubo eruption. Nagpagawa ng mga bahay na semento na hindi naman napakinabangan dahil ang lalayo sa kanilang mga farms. Tapos, minsan, may nagdo-donate ng spam pagdating sa outreach kaso walang kumukuha. Kasi nga naman, pag niluto mo ang spam, kailangan mo pa ng mantika. Pag sardinas, mainit na kanin lang, solb ka na. Minsan, may nag-donate ng aqua shoes, pero kakailanganin mo ba iyon sa bundok? So iyong ido-donate mo, dapat fit din for the Aetas na kailangan at mapapakinabangan nila,” paliwanag niya.
Kamakailan lang, nagkaloob ng tulong si Kara sa pakikipagtulungan sa Ayala Foundation na pinamumunuan ng pangulo nitong si Ruel T.Maranan ng tulong (relief goods)sa mga Aetang biktima rin ng lindol (bagamat di napaulat) sa barangay Planas sa Porac, Pampanga sa kanilang outreach program.
Tulad ng kanyang adboksya sa pagtulong, naniniwala si Kara na ang malasakit ay nakakahawa.