May 23, 2025
Katrina Halili enjoys her “probinsyana” life in Palawan, accepts new film under BG
Latest Articles

Katrina Halili enjoys her “probinsyana” life in Palawan, accepts new film under BG

Mar 10, 2021

Para kay Katrina Halili, kuntento na siya sa paglabas sa mga teleserye bilang support tulad ng role niya sa Prima Donnas ng GMA-7.

Katunayan, dumating daw siya sa punto na gusto na lang niyang mamirmihan sa probinsiya nila sa Palawan at e-enjoy ang buhay doon kasama ang kanyang anak at pamilya.

“Sabi ko sa sarili ko, hindi na po ako tatanggap ng role sa movie kung hindi bida. Naka-base na po ako sa Palawan. Ok na ako sa Primadonnas at sa pagiging probinsyana sa Palawan. Doon na po kasi ako nag-i-stay kaya ready na talaga ako sa province,” kuwento niya.

Pero nagbago raw ang kanyang plano nang i-offer sa kanya ang proyektong Abe Nida.

“Noong sinabi sa akin iyong role, nagustuhan ko po siya dahil gusto kong gumanap ng babaeng may dual personality. Complex kasi siya at challenging,” pagbabahagi niya.

Nakaganap na ng dual roles si Katrina pero ibang level daw ang mga karakter niya sa pelikulang Abe Nida na ididirehe ni Louie Ignacio mula sa iskrip ni Ralston Jover.

“Nagportray na po ako ng dalawang roles pero schizo siya, mga 2007 siya, pero ito  refreshing change po siya kasi first big break ko siya as a movie lead po,” aniya.

Excited din daw siya sa bagong proyekto dahil ang award-winning at internationally acclaimed actor na si Allen Dizon ang makakatrabaho niya.

“Nagkatrabaho na po kami sa series na Toda One I Love pero never po kaming nagkaeksena. Nakita ko lang po siya roon. Excited po ako dahil alam kong magaling po siya at lagi kong nababasa na nananalo siya ng award.Excited din ako na kinakabahan din po ako at napre-pressure din po. So, talaga, prayers lang talaga ito,” aniya.

Honored din siya dahil alam niyang marami siyang matutunan kay Allen pagdating sa pag-arte.

“Big break sa akin ito dahil ang aking kaeksena ay madalas in the news, at  saka iyong prestige po ng BG Films ni Madam Baby Go ay laging nananalo, so sana galingan ko,” pahayag ni Katrina.

Kung mapapansin sa kanyang acting, ituturing daw niya itong blessing pero ayaw daw niyang mag-expect ng award.

“Hindi naman po ako nag-eexpect ng award pero iba rin siyempre kung nadadala ka ng galing ng mga kaeksena mo tulad nina Allen at ng mga beteranong aktor po,” sey niya. 

Meron din silang mga mapangahas na eksena ni Allen pero handa na raw siya rito.

Kasama rin sa cast ng Abe Nida ang mga bigating director na sina Laurice Guillen at Joel Lamangan, ang Pola, Oriental Mindoro mayor Ina Alegre, Maureen Mauricio, Vince Rillon at ang nagbabalik-showbiz na si Leandro Baldemor.

Leave a comment