
Kaye Abad confronts fear of losing popularity in “The Comeback”
by Archie Liao
Sa lahat ng kanyang papel na nagampanan, napakalapit sa puso ng aktres na si Kaye Abad ang role niya bilang si Angela Velasco sa obrang “The Comeback” ng new breed director na si Ivan Andrew Payawal.
“Yung role ko kasi rito [movie] ay tungkol sa palaos na actress who wants to stage a comeback. And it is a familiar territory dahil ako ay nasa showbiz din,” kuwento ni Kaye sa Philippine Showbiz Republic (PSR.ph). “Nakaka-relate ako sa tema dahil lahat naman ng kasikatan ay alam natin na may hangganan,” dugtong niya.
Dagdag pa ni Kaye, ang kuwento ng kanyang pinakabagong indie ay pamilyar rin sa kanya dahil hindi naman lingid na sa mundo ng showbiz na marami na ring naitalang insidente ng mga artistang dumaan sa matinding depresyon at nagpatiwakal.
Hindi ba siya natatakot malaos?
“Siguro, lahat naman ng artista na nasa kasikatan ng kanilang career, isa sa mga greatest fears nila iyong malaos pagdating ng araw, kasi yun namang career sa show business, hindi naman iyon pangmatagalan,” aniya. Ayon pa kay Kaye, dapat daw may fallback o ibang hanapbuhay o pagkakakitaan ang isang artista kung sakaling hindi na siya sikat o aktibo sa showbiz.
Happy din si Kaye sa kanyang bagong indie dahil hindi raw lahat ng actress ay nabibigyan ng pagkakataon na makaganap sa ganoong kabigat na role.
Hindi na rin bago kay Kaye ang paggawa ng indie dahil nakaganap na siya noon bilang bida sa pelikulang “Iliw” na ipinalabas noon sa Cinemanila International Filmfest.
Kung matindi at hinangaan siya sa kanyang role sa kanyang pagbabalik-telebisyon sa toprating teleseryeng “Two Wives,” ibang level naman ng Kaye Abad ang mapapanood sa indie film na “The Comeback.”
Ang “The Comeback” ay isa sa mga kalahok sa ika-11 edisyon ng Cinemaone Originals na palabas na simula sa November 9 sa mga piling sinehan.
Kabituin ni Kaye rito sina Valeen Montenegro, Matt Evans,Patrick Garcia. Kasama rin sina Adrienne Vergara, Julia Enriquez, Bea Galvez, Kate Alconga at Sheena Ramos.
.