
Kean Cipriano says he still has faith in the country’s legal system despite its controversies
Panibagong hamon na naman sa actor-singer na si Kean Cipriano ang kanyang role sa pelikulang “Bar Boys” ni Kip Oebanda.
Ito ang ikalawang pagkakataon na nakatrabaho niya ang magaling na director pagkatapos nilang unang magkasama sa pelikulang “Tumbang Preso”.
“I play the role of Josh, Ako iyong hindi nakapasa sa bar, kasi may mga bagay talagang hindi ukol. Sabi ko nga, mas gusto kong maging model. Ako iyong odd man out sa amin. Lahat sila nag-push through sa law school pero dahil hindi ako nakapasa naging iba ang path ko”, paglalarawan niya sa kanyang role.
Napapanahon daw ang pelikula dahil ito ay nataon kung saan abala ang mga law students sa kanilang apat na linggong bar exams na magtatapos sa Nobyembre 27.
Bagamat kuwento ito ng mga law students, hindi raw naman ito tungkol sa bar exams.
“Iba-iba naman ang drama namin rito. Merong isang gusto na nasa tuktok siya ng lahat ng bagay, iyon kay Rocco (Nacino), iba rin iyong conflict noong kay Carlo (Aquino) sa tatay niya. Iyon namang kay Enzo (Pineda), may aspect naman ng lovelife. Kumbaga meron isang clown, may isang know-it-all, may isang konyo at may isang nangangailangan ng tulong”, aniya. “Hindi lang siya tungkol sa law school kundi iyong nangyayari sa buhay ng estudyante, sa mga pressure ng bawat law student sa kanyang pamilya, sa pag-ibig, sa sarili. Fight for survival talaga siya. Iyong mga legalities na inaaral nila tungkol sa constitution,sa batas at sa iba’t-iba pa. Kung paano ba talaga kumakapit ang bawat estudyante na nag-a-aspire na maging lawyer sa mga situwasyon”, dugtong niya.
Ayon pa kay Kean, kahit may mga naging kontrobersya tungkol sa Supreme Court hinggil sa mga desisyon nito,sa mabagal na daloy ng hustisya, sa mga alegasyon ng katiwalian sa nasabing institusyon kasama na ang anomalya noon ng pagbabago ng grade ng isang bar examinee na anak ng Associate Justice ng Supreme Court para makapasa noong 1982 at maging ang malawakang dayaan o leakage na nangyari noong 2003 bar exams, hindi pa rin nawawalan ng tiwala si Kean sa legal system ng bansa.
“Lahat naman ng aspeto ng buhay, mapa-entertainment man iyan, sports, politics o religion, lahat iyon may both sides, may matino at may corrupt kaya hindi mo puwedeng i-generalize lahat. That’s what life is all about. Kung kapita-pitagan pa ba ang maging legal profession, oo naman dahil kahit naman gaano ka-negative , you’ll never know na baka ikaw iyong magbabago ng sistema so, hindi siya in general. Kumbaga kung ang isang pulis ay corrupt, hindi naman ibig sabihin noon ay corrupt na ang lahat ng pulis”, paliwanag niya.
Kabituin ni Kean sa “Bar Boys” sina Rocco Nacino, Enzo Pineda, Carlo Aquino, Anna Luna, Odette Khan, Hazel Faith dela Cruz, Mailes Kanapi, Emmanuel dela Cruz at maraming iba pa.
Mula sa direksyon ni Kip Oebanda, ang “Bar Boys” ang isang feel good barkada movie tungkol sa law school na iprinudyus ng Tropic Frills Productions sa pakikipagtulungan ng Rotary Club of San Miguel Makati at SM Lifestyle Entertainment, Inc.
Exclusive itong mapapanood sa lahat ng SM Cinemas sa buong bansa simula sa Disyembre 7.