Ken Chan tackles the role of a transwoman in an upcoming GMA series
Tiyak na marami ang maninibago kay Ken Chan kapag ipinalabas na ang bagong afternoon series ng GMA na “Destiny Rose” kung saan siya ang bida. Isa kasing transwoman ang role niya na talagang magiging babaeng-babae siya sa hitsura, pagkilos, pananalita at pananamit.
“Nakapag-start na po kaming mag-taping,” aniya nang makausap ng Philippine Showbiz Republic (PSR.ph). “After nung malaman ko po na ako ang natanggap sa “Destiny Rose,” simula noon hanggang ngayon ay pinaghahandaan ko na po ang character ko.”
May matinding pressure ba?
“Opo naman. Hindi naman matindi, pero may pressure po akong nararamdaman. Dahil lalo na, kailangan kong pag-ingatan ‘yung character ko dito. Dahil marami sa Philippines at sa buong mundo ang transwoman. So kailangan kong maging maingat sa pagpu-portray ko bilang isang transwoman. Kaya nga po nag-reasearch din ako tungkol dito,” paglalahad pa ni Ken.
“Yung production po, may mga ibinigay sa akin na mga kailangan kong i-research o pag-aralan na transwoman. And personally nakapag-reasearch po ako ng mga transwoman tulad nina Gina Rosero, isang Pinay transwoman na supermodel sa Hollywood. Sobrang ang galing. Sobrang doon po ako humanga na parang nakikita ko si “Destiny Rose” sa kanya.”
Sa simula ng kanilang taping, hindi pa raw babae ang hitsura niya.
“As Joey pa po ako. Pero hindi po magtatagal, lalabas na rin si Destiny Rose.”
Marami raw silang nag-audition for the said role. Ano sa palagay niya ang mayroon siya at siya ang napili?
“Nasuwertihan kop o siguro dahil feeling ko nung nakita ko po, ako po ‘yong may parang pinaka-maliit na katawan. Kasi ‘yung ibang nag-audition, talagang mga hunks, e. So palagay ko ay isa po iyon sa mga factors kung bakit ako nakuha as Destiny Rose. And naghahanap din po sila ng isang lalaki na kapag ginawang babae, sobrang lambot ng features ng mukha bilang isang babae,” natawang kuwento pa ni Ken.
Nahanap na niya ang feminine side sa personalidad niya?
“Hindi ko alam. Noong una nahihirapan akong hanapin. Kasi sabi po sa akin, lahat ng tao like kunwari lalaki ka… meron ka pa ring feminine side. Kung babae ka naman, meron kang masculine side.”
“So ako, hinanap ko talaga ‘yung feminine side ko. Noong una hirap na hirap po ako pero napag-aaralan naman po pala para makuha mo iyon.”
Nagkaroon ba siya ng higit na appreciation sa mga babae ngayong gaganap siyang transwoman?
“Sobra! And… physically, grabe… natatakot akong magpa-wax! Dahil masakit daw. Tapos ‘yung eyebrows ko, na-counter na. May eye liner lang siya ngayon pero kapag wala, sobrang manipis na ang kilay ko. Nahirapan din ako na… sobrang hirap palang mag-heels. Sobra!” tawa na naman ni Ken.
“Ang sakit ng paa ko! Pinulikat ako. Iyon ang mga naramdaman ko, tapos ‘yong mga damit, sobrang kailangan mong magpapayat pala. Naiintindihan ko na ngayon kung bakit ang mga babae sobrang conscious sa mga katawan nila. Dahil no’ng binihisan ako ng pambabae, hindi naman ako conscious sa katawan ko pero nasabi ko… kailangan kong magpapayat. Kailangan kong maging sexy at hindi puwedeng may bilbil.”
In preparation for the role, dumaan din si Ken sa isang masusing workshop. “Nag-workshop po ako. Meron po akong solo workshop. And nag-workshop din po kami ni Fabio Ide. ‘Yung sensuality workshop na sinasabi.”
Si Fabio ang magiging leading man niya. Pinaghahandaan na rin daw niya na hindi babae kung hindi isang lalake ang magiging kapareha niya.
“May pangalan na nga ang team up namin… FabKen daw. Hindi ko alam kung paano kami tatanggapin ng viewers pero sana suportahan kami at itong show nga naming Destiny Rose,” panghuling nasabi ni Ken.