
Kim Molina admits being starstruck by her co-stars in Camp Sawi

Malaking bagay kay Kim Molina ang kanyang partisipasyon sa pelikulang “Camp Sawi” dahil dumating na rin ang kanyang pinapangarap na ‘break’ na magbida sa pelikula.
Isa kasi siya sa limang leading ladies ng “Camp Sawi” na iprinudyus ng Viva Films at N2 Productions.
“Hindi nga ako makapaniwala na kasama ko na sila. Noon, napapanood ko pa lang sila, nababasa at naririnig pero ngayon, kasama ko na sila sa pelikula”, pahayag ni Kim.
“Actually, hanggang ngayon, starstruck pa rin ako sa kanila lalo na kina Andi, Bela at Arci pati na si Yassi”, pahabol niya.
“Noong nabanggit nga sa akin na makakatrabaho ko sila, tulala pa rin ako dahil parang ayaw kong maniwala tapos iyong role ko pa, isa sa mga lead so, nakakataba talaga ng puso”, ayon kay Kim.
Aminado rin si Kim na sakto lang ang role niya bilang isa sa mga babaing sawi sa pelikulang “Camp Sawi” dahil siya man ay nakaranas na ng heartbreak o pagkabigo sa pag-ibig sa tunay na buhay.
“Isa pa lang naman ang nagiging boyfriend ko pero nasaktan talaga ako at iniyakan ko rin siya”, sey niya.
Paano nakatulong ang karanasan mo bilang isang nasawi sa pag-big para magampanan mo ang kinakailangan ng role mo sa pelikula?
“As much as possible kasi, hindi ko nilalagay ang sarili ko sa mga karakter na ginagampanan ko. I have to study the role, kung ano ang mga nuances niya. Iyon kasi ang turo sa amin sa teatro”, paliwanag niya.
Si Kim ay kilala bilang isang stage actress para sa kanyang role na Aileen sa hit Pinoy stage musical na “Rak of Aegis” kung saan naging ka-alternate siya ni Aicelle Santos.
Katunayan, tinanghal siyang best actress in a musical ng Gawad Buhay para sa kanyang makabuluhang pagganap sa nasabing musical noong 2015.
Bukod dito, na-nominate na rin siya bilang best supporting actress para sa pelikulang “Walang Forever” kung saan lumabas siya bilang Luli, ang best friend ni Jennylyn Mercado sa naturang pelikula na idinirehe ni Dan Villegas.
Parehong doctor ang mga magulang ni Kim.
Bata pa lang siya ay nanirahan na siya sa Saudi Arabia kung saan namalagi ang kanyang ama bilang isang dentista.
Nag-aral siya sa Al Jazeera International School sa Dammam at noong sumapit sa edad na 16 ay bumalik sa Pilipinas para ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral ng AB Music sa Dela Salle College of Saint Benilde.
Dahil sa kanyang ginintuang boses, naging kinatawan din siya ng Middle East sa World Championships of Performing Arts noong 2009.
Nakalabas na rin siya sa telebisyon sa remake ng “Tasya Fantasya” sa TV 5.
Papel ni Joan, isang babaeng namatayan ng fiancé matapos itong mag-propose sa kanya ang role ni Kim sa “Camp Sawi”.
Ang “Camp Sawi” ay mula sa panulat at direksyon ni Irene Villamor na kilala sa kanyang
obrang “Relaks, It’s Just Pag-ibig”.
Bukod kay Kim, tampok din dito sina Andi Eigenmann, Bela Padilla, Yassi Pressman, Arci Munoz, Sam Milby at Dennis Trillo.
Mapapapanood na ito sa lahat ng mga sinehan sa buong bansa sa Agosto 24 na idineklara ng lahat ng nagmahal, umasa, pinaasa, nasawi at hirap mag-move on na “National Sawi Day”.