May 24, 2025
King Palisoc talks about his film “Tandem”
Faces and Places Latest Articles Movies

King Palisoc talks about his film “Tandem”

Feb 4, 2016

Archie liao

by Archie Liao

king palisocBago pa man sumabak sa kanyang first full-length film, nakilala na si King Palisoc bilang isang direktor ng mga music videos at TV commercials. Ang kanyang karanasan sa mga larangang ito ang naging pasaporte niya para maging manunulat at direktor siya ng TV show na “Rakista” kung saan naging miyembro rin siya ng Concept Development Group ng Star Cinema para sa pelikulang “Babe, I Love You.” Namayagpag din ang kanyang pangalan bilang music videographer kung saan nanalo siya sa iba’t-ibang award giving bodies.

Nakilala rin si King sa kanyang short commentary na “Paalam Pilipinas” at sa “Makina” episodes ng “Bang Bang Alley” na nagtampok kina Gabe Mercado at Althea Vega.

Ang pelikulang “Tandem” na nagpanalo kay JM de Guzman bilang best actor sa 2015 MMFF New Wave ang kanyang first full-length feature film.

Napapanahon ang tema ng “Tandem” dahil naging laman siya ng headlines ng mga diyaryo, paano mo iprinisenta ang iyong materyal sa paraang hindi masasagasaan ang sensibilidad ng ilang manonood?

“Noon kasing kina-conceptualize namin iyong kuwento, maingat kami sa naging treatment nito. It’s a fiction although nag-research talaga kami para maging realistic iyong pag-tackle namin ng tema ng pelikula. We would like to come up with a film na hindi glino-glorify o pina-patronize ang mga criminals o iyong mga perpetrators of a crime, tulad ng riding in tandem. May mga nagawa na rin kasing mga pelikula tungkol sa iba’t-ibang klase ng krimen pero hindi pa na-tackle ang ganitong theme, so na-excite talaga ako sa ideya nito dahil nangyayari naman siya sa society natin,” aniya.

May social commentary ba ang pelikula sa estado ng krimen sa bansa?

“May mga hints pero mas gusto sana naming mapaisip ang mga tao hindi lamang sa mga social issues sa pelikula kung hindi pati na iyong tungkol sa relationships sa family noong mga characters.”

May disclaimer ba ang pelikula tungkol sa mga kriminal na inilalarawan at tinalakay ninyo sa pelikula?

“Wala nang disclaimer, pero we made sure na kapag napanood ng mga tao, ganoon din ang magiging reaksyon nila na it’s a cautionary tale about crime.”

tandem-jmMay mga naging isyu sa lead star mong si JM de Guzman sa mga proyektong ginawa niya tulad ng “All of Me” tungkol diumano sa unprofessionalism, behavioral problems at naging tantrums nito. May similar experience ka ba sa kanya noong ginagawa ninyo ang pelikulang ito?

“Wala. Actually, napaka-professional niya. So far, smooth sailing naman ang naging shoot namin ng “Tandem” at walang naging problema. Prior na ginawa ko rin ang pelikula, I talked to Direk Tonette (Jadaone) na director niya sa “That Thing Called Tadhana” at positibo rin naman ang naging feedback sa kanya. Happy din ako dahil perfect iyong cast ko from JM, Nico, Rochelle, Elora down to the other stars,” pagmamalaki niya.

Sa preview ng “Tandem,” hindi nalitis o naparusahan ng batas ang mga characters ng pelikula. Sa palagay mo ba, ready na ang audience natin sa ganitong premise na ‘Crime does pay’?

“Kung mapapanood ninyo ang pelikula, lahat ng mga actions na ginagawa nila, may consequences, so in a way, may retribution iyong mga characters nila.”

tandemAyon pa kay Direk King, happy siya na kahit may pinagdadaanan sa kanyang buhay ay nag-e-effort si JM na i-promote ang kanyang pelikula sa kanyang social media account. Na-appreciate daw niya ito mula kay JM.

Ang “Tandem” ay hinangaan na ng mga film critics sa Montreal International Film Festival nang magkaroon ito ng world premiere noong nakaraang taon. Ipinalabas din ito sa prestihiyosong Vancouver International Film Festival sa Canada at Cairo International Film Festival sa Egypt.
Nakatakdang rin itong mag-compete sa Fantasporto International Film Festival sa Oporto, Portugal.

Ang “Tandem” na nagtatampok kina JM de Guzman, Nico Antonio, Rochelle Pangilinan at Elora Espano, Alan Paule, Paolo O’Hara, Simon Ibarra, Joel Saracho, Karl Medina, BJ Forbes at Dennis Marasigan ay mapapanood na sa mga piling sinehan sa buong bansa simula sa Pebrero 17.

Leave a comment

Leave a Reply