
Kitkat on hosting noontime show: Therapy sa anxiety disorder ko
Nagsimula na last September 14 ang bagong noontime show na napapanood sa Net25, Eagle Broadcasting Corporation.
Pinamagatang Happy Time, hosts dito sina Kitkat, Anjo Yllana, at Janno Gibbs.
Ang bagong kombinasyon nina Kitkat, Janno, at Anjo ay sinasabing maghahatid ng saya at pag-asa sa madlang televiewers.
Ito ay napapanood tuwing Lunes hanggang Biyernes, sa ganap na 12 noon hanggang 2 in the afternoon. Kaya katapat nito ang Eat Bulaga.
Bago nakumpirmang pangtanghali ang show nila sa Net25, inusisa namin si Kitkat kung ano ang mafi-feel niya sakaling makakatapat nila ang Eat Bulaga? Lalo’t very vocal siya noon sa pagsasabing wish niyang maging regular co-host sa EB?
Saad ni Kitkat, “Naku! Sino ba naman ang batang di nangarap na makasama sa Eat Bulaga? Dati dinasal ko na kahit once a week makasama sa EB at natupad iyon at iba naman talaga ang pakiramdam ko kapag nasa EB… super at ease ako at love ako ng mga tao roon at love ko lahat sila.
“Plus, nagkaroon pa ako ng one year na show under APT, di po ba?
“Basta at home ako roon… If kung ano man ang mangyari… makatapat o hindi, sure na sure naman po na hindi namin tinatapatan ang EB, kasi sure na ibang putahe naman po kami.”
Dagdag pa ni Kitkat, “Kami po ay hindi makikipag-compete sa mga ibang shows, gusto lang po naming magbigay saya at pag-asa sa lahat, lalo sa ganitong difficult times.
“Kumbaga nga sa pagkain, maganda iyong marami kang mapagpipilian at titikman, ‘di po ba?
“Wala pong kompitensiya, sila po ang idolo namin sa pagbibigay saya sa tanghalian,” diin pa ni Kitkat ukol sa Dabarkads sa GMA-7.
Matatandaang sina Kitkat, Janno, at Anjo ay pare-parehong naging produkto noon ng Eat Bulaga.
Nabanggit pa ng versatile na singer/comedienne na nagsilbing therapy sa kanyang anxiety disorder ang kanilang noontime show.
Esplika niya, “Sobra pong excited at kinakabahan pero more on super-excited, kasi kapag nagpe-perform po talaga ako or basta may hawak na akong mic, super nakaka-happy at therapy po talaga sa akin sa anxiety disorder ko.”
Late addition si Janno sa kanilang show, okay ba sa kanya na naging tatlo silang host dito?
Saad ni Kitkat, “Sobrang saya po at ang gaan po, gustong-gusto ko pong kasama si kuya Janno sa stage, lalo na po kapag kantahan na.
“May mga tanong ako sa kanya about sa pagkanta, sa ‘pag-second voice, etcetera. Marami po kaming kuwentuhan, ‘tsaka sabi pa nga niya na kapag gagawa ako ng album o kanta, siya raw ang magpo-produce, eh. Hehehe. Kaya nakakatuwa po talaga, sobra.
“Actually, masaya po kami ni Kuya Anjo kapag magkasama kami, pero mas pa ngayon na may Janno Gibbs pang nadagdag. Mas maraming kabatuhan, mas masaya po,” pakli pa ni Kitkat.
Paano niya ide-describe ang chemistry nilang tatlo?
Tugon ni Kitkat, “Smooth! Parang normal at totoong buhay lang po, hindi po need ng script, kasi iba na po iyong bonding naming tatlo, eh.”