
Kris Aquino slams netizens for criticizing Derek Ramsay
by PSR News Bureau
Hindi pinalampas ni Kris Aquino ang mga bira ng netizens tungkol sa kanyang kaibigan at leading man na si Derek Ramsay. Ilang netizens kasi ang pumupukol at kinukuwestiyon ang pagkakapili niya kay Derek upang gumanap na leading man niya sa 2015 Metro Manila Film Festival entry na “All You Need is Pag-ibig.”
Nagsimula ang lahat nang mag-post si Kris ng isang video clip mula sa naturang pelikula kamakailan lang na naglalaman ng ilang eksena nila ni Derek. Sa comment section, binatikos ng isang netizen ang pagpili ni Kris kay Derek bilang leading man. Ayon sa nasabing komento: “Sa dami ng artistang lalaki sa ABS, yang si Derek nay an pa ang kinuha, sayang!”
May isa pang netizen na halos parehas lang ang naging reaksyon na ang sinabi naman ay: “Andami naming iba. Bakit si Derek na pabalik-balik? Wag na ‘yan.”
Dapat sana’y si Quezon City Mayor Herbert Bautista ang makakapareha ni Kris sa pelikula pero nakansela ito dahil hindi naging maayos ang kanilang schedule, lalo pa nga’t tatakbong muli sa kanyang ikatlong termino sa Quezon City si Mayor Herbert sa taong 2016.
Itinuloy man ang pelikula at napabalitang mismong si Kris ang pumili kay Derek upang makapareha nito. Sinagot naman ni Kris ang dalawang netizens. Paghahamon ni Kris, magbanggit sila ng isang aktor na “close to my age, believable at most importantly—willing to shoot kahit last minute.”
Isa pang depensa ni Kris, kinailangan din sa leading man ang “fit ang katawan bilang nag-Coron [Palawan] sila at supportive na willing mag-shooting agad.”
Giit pa ng Queen of All Media na isang “privilege para sa kanya na makatambal sa isang pelikula si Derek Ramsay.”
Bukod kina Kris at Derek, tampok din sa pelikulang “All You Need is Pag-ibig” sina Jodi Sta. Maria, Ian Veneracion, Kim Chiu, Xian Lim at ang anak ni Kris na si Bimby.