
Kylie Verzosa clears “duraan” issue: Friends kami ni Maxine ngayon
Naging usap-usapan sa social media ang ‘duraan’ isyu tungkol sa dalawang beauty queens turned actresses na sina Kylie Verzosa at Maxine Medina na nangyari sa set ng kanilang top-rating show na “Los Bastardos.”
Hindi naman ito idinenay ng dalawa pero ayon kay Kylie, nag-sorry na siya kay Maxine hinggil sa insidente.
Paglilinaw pa nga ni Kylie, nagkaayos na raw sila ni Maxine at hindi na magkaaway.
“Guys, friends kami ni Maxine ngayon. Okay kami ngayon,” bungad ni Kylie.
Paliwanag pa niya, sobra raw siyang nadala sa confrontation scene nila ni Maxine dahil in character daw siya bilang Dulce, ang doktorang sobrang obsessed kay Isagani (Jake Cuenca ) na pinag-aagawan nila sa serye.
Sey pa niya, ito raw ang pinakamalalang kontrabida na nagampanan niya kaya naman sobrang siyang na-attach kay Dulce.
Labis-labis din daw ang pressure niya noong ginagawa niya ang mga nasabing eksena dahil nagkasunud-sunod ang matitindi niyang sequences with Isagani (Jake), Lupita (Mica Javier) at maging ang sarili raw ay nabaril niya.
Nagkaroon din daw siya ng eksena kay Isay (Maxine) at dahil patapos na ang teleserye, sobrang heightened na raw ang naging emotions nila.
“Siguro po, nadala lang sa eksena. It was heightened emotion. Si Dulce po ako. Kaya ko nga po gusto si Dulce, kasi sobrang layo po niya sa sarili ko,” paliwanag ng Miss International 2016.
Aniya pa, first show niya ever ang “Los Bastardos” at isang taon pa lang siyang umaakting. From bida ay naging kontrabida raw ang karakter niya, kaya sobra ang naging switch niya at adjustment para sa kanya.
Akala niya ay mabait siya the whole time, pero naging kontrabida. As a first time actor ay nahirapan daw talaga si Kylie at sobrang na-challenge.
“Hindi naman po maiiwasan na minsan, may extra talaga (na nangyayari). May nasasaktan, may nasasampal. Ako nga po, ang dami kong pasa galing din sa eksena. So, ‘yun po,” saad niya.
Sa isyu namang nagseselos siya kay Maxine dahil sa dami ng kissing scenes nito sa kanyang nobyong si Jake Cuenca, ito ang naging paglilinaw niya.
“Kami naman din ni Jake, maraming kissing scenes,” ani Kylie. “Hindi po, hindi po talaga (ako nagseselos). Jake never gives me a reason. Sila pong dalawa, they never give me a reason to feel bad or to feel na mainggit po. Hindi po, friends po kaming tatlo,” dugtong niya.
Kaabang-abang ang Kapamilya teleseryeng “Los Bastardos” na nasa huling dalawang linggo na.
Haharapin ng magkakapatid na Cardinal (Jake Cuenca, Joseph Marco, Albie Casino, Joshua Colet, Marco Gumabao) ang pinakamalaking laban ng kanilang buhay sa kanilang pagsasanib-puwersa para labanan ang kasamaan ni Catalina (Jean Saburit) na ang kalasag ay ang pagmamahal sa pamilya, pag-ibig at katapangan.
Tampok din sa pinag-uusapang teleserye ng bayan ang veteran actor na si Ronaldo Valdez bilang patriarch ng Cardinal clan.
Kasama rin sa cast sina Kylie Verzosa, Maxine Medina, Ritz Azul, Mica Javier, Mary Joy Apostol, Gloria Diaz, Jeffrey Santos, Pinky Amador, Jean Saburit at marami pang iba.