
Lara reacts to Ms. Earth scandal
Malaking eskandalo ang naging pagbubunyag nina Miss Earth Canada Jaime VanderBerg, Miss Earth England Abbey Anne Gyles at Miss Earth Guam Emma Mae Sheedy kaugnay ng rebelasyon nila na naging biktima ng sexual harassment mula sa isang pageant sponsor ng katatapos na Miss Earth 2018 na ginanap sa bansa.
Dahil dito, kinunan namin ng pahayag ang actress at dating beauty queen (Miss International 2005) na si Precious Lara Quigaman.
Ayon kay Lara, nalungkot siya nang mabalitaan nito ang nasabing eskandalo.
“Unang reaksyon ko, siyempre, nakakalungkot kasi sito sa bansa natin ginanap iyong Miss Earth. Nakakalungkot na iyong candidate ay naka-experience nang ganoon.
“Siguro hindi lang naman siya sa beauty pageants nangyayari. It happens somewhere else rin. Nakakalungkot lang and I don’t really know what happened,” pambungad niya.
Paliwanag pa niya, sinasaluduhan din daw niya ang tapang at determinasyon ng mga kandidatang lumantad para ibahagi ang kanilang hindi kaaya-ayang karanasan sa nabanggit na pageant.
“I’m also happy kasi matapang iyong mga girls… that they speak out, kasi may reason naman kung nangyayari iyon. Unang nagsalita si Ms. Canada, sumunod si Ms. England tapos si Ms. Guam. In a way, it’s also good. At least, nagkaroon ng mga boses para sa pageants na rin,” aniya.
Gayunpaman, nilinaw naman niya na noong kapanahunan niya ay wala naman siyang naranasang kaparehong karanasan tulad ng mga naturang kandidato sa Ms. Earth.
“During my time, wala naman talaga. Wala akong experience na ganoon. Wala noong time namin. Ako kasi, tinuruan ako ng lola ko na maging very, very aware sa surroundings ko, to carry myself well, para marunogn akong umiwas sa medyo suspicious characters,” paliwanag niya.
Hirit pa niya, ayaw din daw niyang husgahan ang tatlong beauty candidates dahil nararapat lang ang ginawa nila.
“It’s good na nakakapagsalita sila ang mga babae dahil karapatan nila iyon at dapat lang na marinig ang kanilang boses para matigil ang ganoong harassment sa anumang uri nito,” deklara niya.
Si Lara ay balik sa paggawa ng pelikula pagkatapos niyang manganak sa kanyang second child noong September.
Excited siya sa “Sarah en Cedie” dahil ito ang first time na makakatrabaho niya ang husband niyang si Marco Alcaraz sa isang pelikula.
Ang “Sarah en Cedie” na ididirek ni Errol Ropero ay isa sa anim na advocacy films na iproprodyus ng Flying High Productions na magfu-full blast sa movie production.
Ang iba pang mga proyekto nila ay ang The Prince of Music, My Music Hero Teacher, Mga Munting Pangarap at Science en Marsha.