Lea Salonga clarifies: “I wasn’t referring to ‘AlDub’ when I made a comment about “kababawan.”
By: PSR News Bureau
Matunog na naman ang pangalan ng Broadway star na si Lea Salonga dahil sa kanyang Twitter post tungkol umano sa “kababawan” ng maraming Pinoy. Maraming netizens ang nag-react kaya naman nilinaw ni Lea na wala itong kinalaman sa ‘AlDub Phenomenon.”
Umagaw ng pansin sa maraming netizens ang Twitter post ng Broadway star na si Lea Salonga nitong Sabado, September 26, bandang 12:13 P.M.:
“Okay lang sa akin ang kababawan, pero hanggang doon na lamang ba tayo? #NagtatanongLangPo”
— Lea Salonga (@MsLeaSalonga) September 26, 2015
Walang direktang tinukoy si Lea sa kanyang post na ito kaya maraming lumabas na espekulasyon kung ano ang pinatutungkulan niya rito.
Marami ang nag-akala na ang komento ay pinatutungkulan ang sikat na “AlDub.” Kaya naman, hindi katakataka kung inulan ng bashers ang international star. Lalo na’t may mga nagkomento at nag-aakalang ito ay may kinalaman sa pagkahumaling ng maraming Pinoy ngayon sa AlDub phenomenon, ang loveteam nina Alden Richards at Maine Mendoza (Yaya Dub) na napapanood sa Kalyeserye ng noontime show na Eat Bulaga.
Masyadong sensitibo ang fans ng phenomenal love team. Si Lea naman ay kilala na sa pagiging outspoken lalo na’t may mga nais itong bigyang diin. Kaya’t kaagad klinaro ni Lea na hindi ang “AlDub” ang kanyang tinutukoy sa nasabing controversial tweet.
May ilang ding nagtanggol kay Lea at sinabing huwag munang manghusga dahil wala naman siyang direktang pinatatamaan sa kanyang Twitter post.
Ni-repost ng StarStruck director na si Rico Gutierrez sa Facebook ang screen shot ng Twitter post na ito ni Lea at may ilang celebrities na nag-comment. Ni-repost din ni Direk Rico ang sagot ng ilang celebrities tungkol dito sa comments section.
Narito ang ilan sa kanila:
Chris D. Martinez, director: “Dear Lea, To answer your question: Hindi. We are a nation that needs entertainment like any other nation in the world. Bakit malalim ba ang The Voice? #sumasagotlangdinpo”
(Ang The Voice ay ang singing search ng ABS-CBN kung saan isa sa mga coach si Lea.)
Joey Reyes, director: “Kanya-kanyang trip lang yan. Mababaw man, napapasaya ang mga tao even for a few hours. Hindi kasalanan yon. Pagiging tao lang yon na kailangang huminga at magpahinga. Your happiness, your choice. There is no such thing as someone’s BETTER happiness.”
(Si Joey ang nagdirek ng 1992 film ni Lea na Bakit Labis Kitang Mahal.)
Ping Medina: “Eh di mag Miss Saigon na tayo sa Eat Bulaga”
(Si Lea ang unang gumanap na Kim sa West End at Broadway production ng musical na Miss Saigon.)
Iza Calzado: “I don’t think she was referring to the Aldub thing. If you read her timeline she was still on her Heneral Luna mindset. What I mean is she was still talking about Heneral Luna and the movie industry.”