
Luis Manzano to marry Angel Locsin very, very soon
by PSR News Bureau
Madami ang kinilig nang mag-celebrate ng kanyang kaarawan si Luis Manzano noong nakaraang Linggo sa ASAP 20 dahil na rin sinorpresa ang binata ng kanyang nobyang si Angel Locsin. Sumali ang aktres sa segment ng “Karaoke Challenge” na talagang ikinakilig ng mga tagahanga at taga-suporta ng magkasintahan. Noong nakaraang April 21 pa ang tunay na birthday ni Luis pero nitong huling Linggo lang ito nagkaroon ng pagkakataon na mag-celebrate ng kanyang 34th birthday.
Dahil nasa hustong gulang naman na si Luis, naitanong sa kanya kung kalian ba sila magpapakasal ni Angel. Balita kasing malapit na siyang mag-propose sa dalaga. “Siyempre gusto kong maging surprise din yun (proposal) sa kanya, pero it’s gonna be happening very, very soon,” ang naging kasagutan ni Luis sa nasabing katanungan.
Bagamat hindi na nag-elaborate pa ang binata tungkol dito, base sa nakuhang reaksiyon mula sa ilang netizens na nakapanood ng nasabing birthday celebration ni Luis, malaki ang posibilidad na late this year or early next year na ang magiging kasal ng dalawa.
Ito naman ang naging birthday message ni Angel sa kanyang boyfriend, “Ito kasing si Luis, akala kasi ng tao lagi lang siyang nagdyu-joke, lagi lang siyang hindi seryoso.
“Pero ‘pag nakausap mo kasi siya nang malalim, lumalabas talaga yung goodness sa heart niya,” saad pa ni Angel. “Ang wish ko lang talaga sa kanya, e, sana mas magamit pa niya itong ginagawa niya, tutal dito siya maligaya, sa mga tao. Sana mas marami pa siyang matulungan. At saka sana marami pa siyang mapasayang mga tao at sana mahalin mo pa rin ako kahit anong mangyari.”
Ayon pa kay Luis, “forever” daw nitong mamahalin ang kanyang girlfriend. May ilan ding nag-comment tungkol sa naging statement ni Angel, mukhang itutuloy na nga ni Luis ang pagtakbo sa darating na 2016 elections dahil puro pagtulong sa kapwa ang laman ng mensahe nito para sa kanyang nobyo.
Marami rin ang nagsasabi na bago mag-2016 ay magpapakasal na ang dalawa para eksakto sa eleksyon.