
‘Magikland’ now on Netflix; Miggs Cuaderno hopes more people watch it
Kasalukuyang mapapanood sa Netflix ang pelikulang Magikland.
Tampok ang award-winning teen actor na si Miggs Cuaderno sa nasabing pelikula. Ito ay naging entry sa 2020 Metro Manila Film Festival.
Sa Magikland, gumaganap si Miggs bilang si Boy Bakunawa. Apat silang bata rito na nagkatagpo dahil sa isang video game at si Miggs ang leader nila.
Masayang-masaya ang young actor sa pagkakataong mapanood sa naturang streaming site dahil ito raw ang first time na may movie siyang mapapanood sa Netflix.
“First time po na mapapanood ako sa Netflix, super-saya ko po at nakaka-proud makasama sa Magikland movie na maraming awards na napanalunan sa MMFF.”
Pakli pa niya, “Napasigaw po ako nang nalaman kong mapapanood na kami sa Netflix, kasi nagulat ako… akala ko po hindi nila ipalalabas sa Netflix.
“Sobrang saya ko po talaga, maagang birthday gift po ito sa akin. Sa August 8 po kasi ang birthday ko. Kaya po sana sa August 1, mag-watch po kayo sa Netflix ng Magikland, birthday gift nyo na po sa akin.”
Ibinida ni Miggs ang mga dapat abangan sa kanilang pelikula. “Sa Magikland po kaabang-abang po… kasi first time kong mag-action at gagamit ng sword na parang si FPJ po sa Ang Panday,” aniya.
Dagdag pa ni Miggs, “Sa action part po feeling ko ako si FPJ, hehehe. Kasi po nakita ko sa movie po niya ang dami niyang kalaban eh. Super-saya at exciting po ng mga action scene rito sa movie namin.
“Dito po sa pelikulang Magikland, natuto akong humawak ng sword, nag-stunt workshop po ako para sa paghawak at galaw ng sword ko. Talagang pinaghandaan ko po, kasi kailangan pong makita na mahusay ako humawak ng sword.
“Nagkakalyo nga po yung kamay ko, kasi iniikot-ikot ko pa,” nakangiting sambit pa niya.”
Masayang kuwento pa ni Miggs ukol sa kanilang pelikula.
“Sa movie po, bale, apat po kaming bata na nagkatagpo dahil sa isang video game. Kasama ko po rito sina Elijah Alejo, Princess Rabarra, at Joshua Eugenio.
“Ito po ay fantasy-action, pang-family po talaga kasi may-aral po na matutunan at talagang ginastusan po ang mga CG (computer graphics). First time in the Philippines po na gumamit sa movie ng camera na ginagamit po sa Hollywood.
“Kaya ang ganda po ng mga shots at mahusay po si Direk Christian, ang galing po ng actions dito.”
Saad pa ng Kapuso actor, “Bale, first lead role ko po ito for mainstream, kasi po sa indie films ay nakagawa na po ako ng sixteen films.”
Sa pamamahala ni Direk Christian Acuña, ang pelikula ay tinatampukan din nina Jun Urbano, Bibeth Orteza, Hailey Mendez, Wilma Doesn’t, Jamir Zabarte, Kenken Nuyad, at marami pang iba.