
Maja defends Paulo over alcohol rumors
Balik tambalan ang Kapamilya stars na sina Maja Salvador at Paulo Avelino sa pelikulang “I’m Drunk, I Love You” ni JP Habac.
“Sobrang nagpapasalamat ako sa aming mga supporters. Nagkasama na kami sa pelikula noon sa “Status: It’s Complicated” pero hindi ko siya naka-eksena, kaya nga happy ako noong mabalitaan na magsasama kami sa pelikula at kami mismo ang magka-partner ni Pau,” bungad ni Maja.
Ayon kay Maja, sa kanilang muling pagsasama, nakita niya ang ‘maturity’ ni Paulo as an actor.
“Iba iyong dedikasyon niya sa project na ito. Kung dati parang may ‘wall’ pa kami, ngayon, iba na iyong level of comfort… siguro, dahil sanay na rin kami at kilala na namin ang isa’t-isa,” aniya.
May mga napabalita noon at naging blind item pa na naging lasenggo raw ang ka-partner niyang si Paulo noong ma-heartbroken ito sa isang aktres.
“So far, wala akong alam na ganoon. Sa experience ko sa kanya, walang ganoon. Napaka-professional niyang actor. He comes to the set prepared at never kaming nagka-problema sa kanya kahit noong ginagawa pa namin iyong teleserye at maging itong pelikula,” depensa niya.
Papel ng mag-best friends na naging lovers ang role nina Maja at Paulo sa “I’m Drunk, I Love You”.
Kung pagbabatayan ang titulo ng pelikula, ito ay isang ekspresyon ng isang taong may karga na ang lakas ng loob na ipagtapat ang kanyang nararamdaman ay nanggagaling sa espiritu ng alak.
Kuwento ni Maja, aminado siyang napaka-shy si Paulo pero naniniwala siyang hindi raw ito torpe.
“Medyo shy siya pero pag nahuli mo na ang kalooban niya, napaka-sensible niyang tao. Sa pagkakakilala ko sa kanya, matinik din siya sa babae,” pagbibiro niya. “In fairness, hindi ako naniniwalang torpe siya. Ang alam ko, happy naman siya sa lovelife niya. At saka, ganoon naman ang mga lalake, humahanap lamang ng tamang ‘timing’. Pag nanliligaw, minsan nag-iipon muna ng lakas ng loob,” sey niya.
Nilinaw din ni Maja na never siyang niligawan ni Paulo.
“Kung ang foundation kasi ng relationship ninyo ay nagsimula sa pagkakaibigan, parang ang hirap kung magne-next level na kayo. Sa kaso namin kasi ni Pau, malaki iyong respeto namin sa isa’t-isa at ayaw naming masira iyong pagkakaibigan naming,” paliwanag niya.
Pero, hindi naman ikinaila ni Maja na isang boyfriend material si Paulo.
“Mabait siya at nakikita ko naman na siya iyong tipong aalagaan ka. Iyong kapag pumasok sa isang relasyon ay seseryosohin ka at ipaglalaban ka,” esplika niya.
Sa kabila ng kanyang pinagdaanan sa pag-ibig, naniniwala pa rin siya sa romantic love.
“Dapat lang. Ang sarap kayang ma-in love pero sa ngayon, priority ko muna iyong career ko. Ang love naman, makapaghihintay at may tamang panahon din,” deklara niya.
Nagpahayag din si Maja ng kahandaang muling makatrabaho si Kim at Gerald sa mga susunod na proyekto.
“I’m willing to work with Gerald or with Kim, pero iyong kaming tatlo ang magkakasama sa isang project, huwag na lang. Bakit ko naman ilalagay ang sarili ko sa sitwasyon na sobrang pagpipiyestahan kami. Kasi, pag nangyari iyon, ibabalik na naman at mauungkat iyong mga nangyari noon. So, this time, you have to be smart enough kung ano iyong mga project na pipiliin,” pagwawakas niya.
Ang “I’m Drunk, I Love You” ay isang offbeat romantic comedy na mula sa direksyon ni JP Habac at sa produksyon ng Articulo Uno Productions at TBA Films na siyang naghatid ng matagumpay na “Heneral Luna”, ang highest grossing Pinoy historical epic of all time.
Bilang Valentine’s treat, ito ay mapapanood na sa lahat ng mga sinehan simula sa Pebrero 15.