
Maja Salvador says she’s moved on with life after her breakup
Dahil naging successful ang unang album ni Maja Salvador last year titled “Believe” mula sa Ivory Records kaya naman hindi na nakakapagtaka na nasundan agad ito. Ini-launch ang second album niya titled “Maja In Love,” kung saan ay yung “Bakit Ganito ang Pag-ibig” ang carrier single nito.
Happy naman si Maja na nagkaroon ulit siya ng album. Ipinaliwanag niya kung bakit “Maja In Love” ang title ng kanyang latest album.
“Kasi na-inlove ako sa paggawa ng album, ng songs. Sobrang iba yung naibibigay niya sa akin. Tapos in love rin ako sa rami ng blessings na dumarating sa akin na dun ka magpo-focus talaga,”sabi ni Maja
Patuloy niya,”Maraming bagay talaga na maaring piliin mo kung saan ka mai-inlove. Ang importante, huwag kang mapagod magmahal.”
Ilang beses na rin namang nagmahal si Maja na nauwi sa wala ang pakikipagrelasyon niya. Kamakailan nga lang ay naghiwalay sila ni Gerald Anderson. So kahit laging sawi sa pag-ibig, hindi pa rin talaga siya mapapagod magmahal?
“Ang sarap kayang ma-inlove,” tanging sagot ni Maja na ang ibig niyang sabihin sa sagot niyang ito ay handa pa rin siyang magmahal ulit.
May mga nagpapalipad-hangin o manliligaw ba siya ngayon?
“Wala! Kalma lang ako ngayon. Mabilis naman akong makapag-move on,”mabilis din na sagot ni Maja
Hanggang ngayon ay wala pa ring nakakaalam ng tunay na dahilan ng hiwalayan nina Maja at Gerald. Nang unang umamin si Gerald na hiwalay na sila ni Maja ay hindi naman niya idinitalye ang rason ng hiwalayan nila.
Pero may mga lumalabas na balita na kaya raw naghiwalay sina Maja at Gerald ay dahil nabisto ni Maja na bukod sa kanya ay may ibang babae pa si Gerald na ayon naman sa aktes ay walang katotohanan.
“Hindi naman kasi namin idiniditalye ang dahilan ng break-up namin, di ba? So maraming kuro-kuro ang lumabas. Pero hindi na kailangang klaruhin pa iyan,”
Pero naghiwalay ba sila ni Gerald na magkaibigan pa rin?
“Hindi kami magkaaway. Hindi ko rin siya dapat iwasan. Pero siyempre may awkwardness naman kapag nagkita kayo, di ba?”
Nag-usap ba kayo ni Gerald na huwag na lang magdiditalye tungkol sa nangyaring break-up ninyo?
“Hindi! Siguro respeto na lang namin sa isa’t-isa,”
All original songs ang nakapaloob sa bagong album ni Maja na ang isa rito ay siya ang nag-compose, ang “Hiling” feauturing Rayver Cruz.
“Kaibigan ko kasi si Rayver kaya sinama ko siya sa album ko. Saka gusto kong ipakita rin naman sa buong mundo, na marunong siyang kumanta, na he is a total performer, na hindi lang siya magaling sumayaw kundi magaling ding kumanta. Nagpapasalamat naman ako na pinagbigyan niya ako na mag-guest sa album ko.“