
How a mama’s boy becomes independent
Tungkol sa motherhood ang pelikulang “My 2 Mommies,” ang Mothers’ Day Presentation ng Regal Films.
Nakaka-relate si Joem dahil sa tunay na buhay ay isa siyang Mama’s boy.
Ayon pa kay Joem, bagamat ang pagiging magulang daw ay isang bagay na puwedeng matutunan, iba pa rin daw kung biological mom mo ang nag-aruga sa iyo.
“Hindi mo puwedeng palitan ang mommy mo na nag-carry sa iyo for nine months. Ako kasi, Mama’s boy, hindi ko puwedeng ipagpalit ang pag-aalaga at pagpapalaki sa akin ng aking Nanay, kasi siya iyong nag-aruga sa akin at kasama ko most of the time,” pambungad ni Joem.
Pero ngayon daw na nasa tamang edad na siya, sinisikap na raw niyang tumayo sa sarili niyang mga paa.
“Siyempre, pag nasa edad ka na kailangang maging independent ka na. Nakapagsasarili ka na at nakakapag-decide para sa sarili mo, pero hindi pa rin naman mawawala ang magulang mo na naroon pa rin para mag-guide at magpayo sa iyo,” sey niya.
Papel ni Ronie ang live-in partner ni Manu (Paolo Ballesteros) sa naturang pelikula na idinirehe ni Eric Quizon.
Tsika pa ni Joem, masarap katrabaho si Paolo dahil napakagaling nitong aktor.
“Enjoy ako kasi light lang siya. Chill lang,” pakli niya.
Ibinalita rin niya na napag-uusapan na raw nila ng girlfriend niyang si Crisha Uy ang pagpapakasal.
Si Crisha ay isang model, professional make up artist at sa kasalukuya’y matagumpay na blogger.
“Nagpaalam na ako pero iyon, naghahanda pa ako. Now kasi, sinasagad niya iyong pagba-blog niya. Blogger na nga siya sa Youtube. Eh, ang ganda kasi ng takbo ng career niya. Kumbaga, ituloy muna niya iyong ginagawa niya. Hindi naman namin mapipigilan iyong mga opportunities,” deklara niya.
“Kapag kasi, nag-settle down na kami, siyempre, ang isip namin, magka-baby na kami. Eh, hindi naman kami, bumabata. I’m 31 and she’s 28,” pahabol niya.
Hirit pa niya, mas may direksyon na raw ang buhay niya ngayon.
“Sinasagad ko lahat ng trabaho. Hindi naman ako namimili ng work. Lahat, tatanggapin ko.Hindi na rin naman ako bata,” hirit niya.
“Hindi ko nga alam, ganoon pala pag nagkaka-age ka na, nagkakaroon ka pala ng responsibilidad sa sarili mo. Meron ka nang pinag-iipunan. Meron ka nang pinaghahandaan,” dugtong niya.
Pagkatapos ng “The Good Son,” may nakatakdang gawing teleserye si Joem sa ABS-CBN.
Bida rin siya sa isang indie film na kalahok sa Cinemaone Originals filmfest.
Bukod kay Paolo, kabituin din ni Joem sa “My 2 Mommies” sina Solenn Heusaff, Paolo Ballesteros, Dianne Medina, Mich Laggayu, ang bagong child wonder na si Marcus Cabais at sa espesyal na pagganap ng diamond star Maricel Soriano.
Palabas na ito sa lahat ng mga sinehan sa buong bansa simula sa Mayo 9.