
“As his manager, I’m proud that Jake’s thespic talent was recognized.” – German Moreno
Labis ang kasiyahan ng nag-iisang Mastershowman na si German Moreno ng makarating sa kanya ang pagkapanalo ng kanyang alagang si Jake Vargas sa katatapos na 40th WorldFest Houston International Film Festival USA for Best Male Rising Star para sa mahusay nitong pagganap sa ‘Asintado.’
Ani Kuya Germs ng makausap ng Philippine Showbiz Republic (PSR) sa kanyang Radio Programa DZBB 594 Walang Siyesta kamakailan, “Nakaka-proud para sa isang manager ang manalo ang alaga mo ng isang award at lalong-lalo na sa ibang bansa pa naganap. Si Jake naman kasi dedicated iyan sa trabaho niya. Pinaghahandaan niya kung ano man ang role na ibigay sa kanya.
At alam ko din na ibinigay niya talaga lahat ng kanyang makakaya para maging maganda ang kanyang performance sa ‘Asintado’ at ito na nga ang resulta at nanalo siya.”
“Nakita ko talaga ang potensyal at dedikasyon ng bata na iyan pagdating sa trabaho, mahal niya yung trabaho niya,” pagmamalaki pa ni Kuya Germs.
“Lagi ko rin siyang (Jake) pinapayuhan na paghusayan lagi ang trabaho, dahil sa panahon ngayon mahirap ang mawalan ng trabaho. Kapag nagpabaya ka, ikaw ang mawawalan at marami lang diyan ang naghihintay na mapunta sa kanya ang iyong puwesto.”
“Doon natin makikita ang husay ng Pilipino pagdating sa larangan ng pag-arte, hindi lang si Jake, maging ang ibang mga Pinoy actors na nanalo ng acting awarda sa ibang bansa katulad ng ating nag-iisang superstar na si Nora Aunor.”
“Sayang nga lang at hindi mismong si Jake ang nakatanggap ng kanyang tropeyo dahil hindi siya nakasama kila Direk Louie (Ignacio). Pero alam kong masayang-masaya si Jake sa pagkikilala sa kanyang husay sa pagganap sa ‘Asintado’.”
“Yung tropeyong kanyang napanalunan ang kanyang magiging inspirasyon para paghusayan pa ang kanyang pag-arte sa kanyang susunod na proyekto.”
“Kaya abangan nila si Jake sa kanyang bagong soap. Secret pa kung ano ang title at kung sino-sino ang kanyang makakasama. Pero bukod sa kanyang paparating na teleserye, regular din siyang napapanood sa ‘Sunday All Stars’, ‘Walang Tulugan with the Mastershowman’ at ‘Pepito Manaloto’.”
Dahil sa pagkapanalo ni Jake, puwede na ba siyang mapasama sa listahan ng artista na nakalagay sa ‘Walk of Fame Philippines?’
“Sa kanyang pagkapanalo ng award sa Amerika, puwede na siyang ilagay sa Walk of Fame Philippines sa December 1, 2015. Isasabay ko pa yung iba pang nagbigay ng karangalan sa bansa. Kailangan kasi nating bigyan ng parangal ang nga Filipino na nagbibigay ng karangalan sa Pilipinas mapa entertainment man siya o kaya sports. Ngayon pa lang pinag-iisipan na namin kung sino ba ang mga deserving na mapasama sa Walk of Fame Philippines ngayong taon. Kapag nakumpleto na namin ang line up, saka ko na ia-announce kung sino-sino sila.”