
’Maple Leaf Dreams’ movie features popular attractions in Canada
Lubos ang pasasalamat nina LA Santos at Kira Balinger sa matagumpay na premiere night recently ng pelikulang tinatampukan nila titled Maple Leaf Dreams sa Gateway 2, Cineplex 12.
Pahayag ni LA, “Itong movie na ito, binuo namin ito ni Kira ng buong puso at ginawa namin ang pelikulang ito, para sa lahat ng Filipino pong nangangarap. Salamat po sa lahat ng tao na nandito po ngayon. Talagang matagal po naming pinaghirapan ni Kira ito.
“Alam naman po natin na sobrang hirap gumawa ng pelikula ngayon. Kaya sobrang grabe iyong taos pusong pasasalamat ko na natuloy itong pelikula. Maraming salamat po sa inyo at hindi po ako titigil na maging thankful po.”

Pahabol pa ng guwapings na singer/actor. “At saka siyempre sa mommy ko, wala lang si Mommy (Ms. Flor Santos) dito ngayon, pero I love you so much mommy, para sa inyo po ito. At saka para sa inyong lahat po ito. Maraming salamat po sa mga nagpunta, I hope nagustuhan nyo po at sana ay i-share nyo sa lahat ng kaibigan nyong OFW.”
Esplika naman ni Kira, “I’m overflowing with gratitude right now. Alam nyo po, iyong marinig ko ang reaction ng mga taong nandirito ngayon, I just feel so happy. I hope… did you guys liked it?
“I hope na may mga OFW po na mapapanood itong movie namin and they will see it as a tribute.”
Ang pelikula ay hinggil sa pamilya, pagmamahal, relasyon, at buhay at sakripisyo ng mga OFW.
Bukod kina LA at Kira, tampok dito sina Ricky Davao, Snooky Serna, Joey Marquez, Hannah Vito, Bea Rose Santiago, Jong Cuenco, Jef Gaitan, Benito Mique, Kanishia Santos, at Malou Crisologo.
Ito ay mula sa pamamahala ni Direk Benedict Mique at sa panulat ni Hannah Cruz.
Makikita sa pelikula ang magkasintahang sina Kira at LA bilang sina Molly at Macky respectively, may ambisyon si Molly na pumunta sa ibang bansa upang maiahon sa kahirapan ang kanyang pamilya.
Ayaw kasi niyang maging sunod-sunuran ang kanilang pamilya sa kamag-anak na nakaka-angat sa buhay at pinagkakautangan nila ng loob. Lalo na kapag nakikita niyang sinisigaw-sigawan ang kanyang ama (Joey) sa kaunting pagkakamali nito, kahit sila ay magkaka-dugo.
Ang kamag-anak kasi nilang ito ang tumulong kay Kira para siya ay makapagtapos ng kolehiyo. Kaya naisip ni Molly na magpunta sa Canada bilang OFW at dito tuparin ang kanyang mga pangarap sa buhay, kapiling ang BF niyang si Macky.
Sa sobrang pagmamahal ni Macky kay Molly at pagiging supportive nito, kahit may maganda siyang trabaho sa Pinas bilang manager, pumayag siyang samahan ang GF sa pakikipagsapalaran nito sa Canada.
Pero hindi naging madali ang buhay at mga naranasan nila sa Canada. Dito’y naging dishwasher si Macky at sumabak sa iba’t ibang klase ng trabaho. Si Molly naman ay naging working student. Maraming sinuong na pagsubok ang magkasintahan, lalo na nang may dumating na trahedya kay Molly. Dahil dito, gusto nang umuwi ni Molly sa Pilipinas. Mabuti na lang at may nagpayo sa kanya na kapwa Pinoy.
Ang Maple Leaf Dreams ay hatid ng 7K Entertainment, Lonewolf Films, at ABS-CBN’s Star Magic. Ito ay mapapanood na sa mga sinehan nationwide, simula ngayong September 25.
Simula sa September 27 naman ay ipalalabas din ang Maple Leaf Dreams sa mga sinehan sa mga pangunahing lungsod sa Canada tulad ng Toronto, Winnipeg, Calgary, Edmonton, at Vancouver. First time sa isang independently produce Filipino film ang maipalabas sa Canada.
“I would say it is a wide release in Canada because the chosen locations are typically targeted to play Filipino films,” wika ni Roselle T. Lorenzo ng Robe Entertainment.
Eighty percent ng movie ay kinunan sa Canada at ilang mga eksena ang nagtatampok ng mga sikat na lugar gaya ng Niagara Falls, CN Tower, Kensington Market, Eaton Center, at downtown Toronto.