
Mark Neumann returns to TV via “Tasya Fantasya”
by PSR News Bureau
Matapos maging bids ng guwapong aktor na si Mark Neumann sa Pinoy adaptation ng hit Korean series na “Baker King,” muling nagbabalik siya sa telebisyon. Kinakitaan din kasi ng husay si Mark sa pag-arte kung kaya’t hindi siya nababakante sa trabaho.
Mapapanood si Mark katambal ni Shy Carlos na isang Viva Artist para sa remake ng “Tasya Fantasya” na magsisimula nang umere nitong February 6. Ayon sa source na nakausap ng Philippine Showbiz Republic (PSR.ph), ang gagawing pagbi-build up daw sa kanila ay katulad ng naging formula na ginawa sa ngayon ay sikat na sikat na love team na JaDine Nina James Reid at Nadine Lustre.
Masusubukan ang chemistry ng MarShy (Mark-Shy) kung may kilig ang kanilang tambalan sa pagsisimula ng “Tasya Fantasya.” Isang malaking bentahe kay Mark ang hindi nito pagkakatali sa kanyang mga nakakapareha. Kaya’t madali siyang ipareha kahit kaninong artista. Bukod dito ay kilalang masipag at propesyonal si Mark sa trabaho. Simula’t sapul kasi ay alam ni Mark kung ano ang mundong kanyang pinasok kung kaya naman handa itong harapin ang lahat ng pagsubok na kaakibat nito.
Tumanggap rin ng maraming pagpuna si Mark lalo na noong nag-uumpisa pa lang ito sa showbiz. Hindi rin nakaligtas sa intriga si Mark nang ikumpara ito kay Vin Abrenica na kasabayan niya sa TV5. Iniintriga sila na naungusan daw niya ang huli pagdating sa mga proyekto. Pero ang lahat ay ikinibit-balikat lang ni Mark. Mabuting magkaibigan daw sila ni Vin kaya hindi daw dapat ginagawan ng isyu.
Ang pamilya ni Mark sa Germany ang patuloy niyang ginagawang inspirasyon upang magsumikap sa larangang kanyang pinili. Maraming nais maabot si Mark sa kanyang buhay. Kaya alam din niyang makapaghihintay ang tawag ng pag-ibig. Lahat ng hirap at sakripisyo ay kaya niyang gawin alang-ala sa kanyang pamilya at mga mahal sa buhay.
Umaasa si Mark na sa taong ito ay patuloy ang pagdating ng suwerte at oportunidad. Kaya naman, he’s looking forward to having more projects. Pangako ng binata na mas paghuhusayan pa niya ang kanyang trabaho at hindi lalaki ang ulo.