
Mayor’s Night in Sta. Ana, Cagayan Valley a success; Superstar Nora Aunor graces the stage
STA. ANA, CAGAYAN VALLEY—Nag-organisa ng isang matagumpay na gabi na punung-puno ng kulay at aliw ang butihing Mayor na si Darwin Tobias para sa kanyang minamahal na nasasakupan noong Hunyo 10.
Ang Mayor’s Night ay bahagi ng kanilang kapistahan na ipinagdiriwang taun-taon. Ito ay isang masayang palabas na binigyang buhay ng mga magagaling at kilalang personalidad sa industriya ng aliwan.
Kabilang sa mga nagbigay ng kasiyahan ay ang Soundtrack band, miyembro ng Hotbabe na si Jennifer Lee, GMA artist Lharby Policarpio, seksi at magandang performer na si Isabel Granada, ang Romantic Pop Balladeer na si Edward Benosa, Pinoy Dream Academy scholar na si Chivas, ang mga komedyanteng sina A.K at Echo at ang nag-iisang Superstar na si Nora Aunor. Lahat sila ay nagbigay ng kaligayahan at ngiti na pinalakpakan ng mga manonood.
Sentro pa rin ng atensyon ang walang kupas at nag-iisang Nora Aunor na nagbigay ng hindi matatawarang kasiyahan sa mga tao. Buong-buo pa rin ang suporta ng kanyang mga tagahanga at ang iba sa kanila ay hindi napigilang umiyak dahil sa tuwa matapos makita ang idolo sa personal.
Hindi rin naman nagpahuli sina Edward Benosa na kinanta ang “Ngiti Mo, Kaligayahan Ko,” si Lharby Policarpio ang awiting “Kung Malayo Ka” habang si Chivas naman ang “Hindi Ko Kaya.” Ang mga magagandang mga awiting ito ay sinulat mismo ng minamahal na asawa ni Mayor na si Lorna Tobias na kolaborasyon nila ng actor-composer na si Arnold Reyes.
Isa nga sa punong abala ng gabing iyon ay si Gng. Tobias na talagang nagpakita ng kanyang suporta at pagmamahal sa kanyang asawa at sa mga nasasakupan nila. Ang maganda pa, personal niyang kaibigan ang mga nasabing performers kaya napakadali niyang naimbitahan ang mga ito. Para sa asawa ng Mayor, isa itong espesyal at hindi malilimutang gabi.
Bukod sa Mayor’s Night, inilunsad naman ang kauna-unahang ‘Seafood Festival.’ Ang anak naman ng mag-asawa na si Lordwin Tobias ay nag-organisa ng isang sports parade bago pa man ang kapistahan . Ito ay para sa Inter Barangay Basketball Youth Male, at para sa Youth Volleyball Men and Women Division. Si Lordwin ang tumatayong presidente ng Sta. Ana Athletic Club Inc.
Sobra-sobra ang pasasalamat ni Mayor Darwin dahil naging matagumpay ang kanilang mga aktibidad . Pinasalamatan niya ang panauhing pandangal ng Mayor’s Night na si Governor Manuel Mamba, lahat ng kanyang supporters, performers, at lahat ng tao na pumunta noong gabing iyon.
Katangi-tangi nga ang ipinakitang suporta ng butihing Mayor sa kanilang lugar. Muli na namang napatunayan ang kanyang magandang relasyon sa kanyang nasasakupan na dahil sa kaniyang kasipagan, determinasyon at katapatan ay naging masagana at matagumpay ang kanilang bayan. Sabi nga sa kaniyang slogan “Gogogo Sta Ana… Dapat Tapat.”