
Megan Young wants to work with sister Lauren in a project
Produkto ng ‘Starstruck Season 2’ ang Miss World 2013 na si Megan Young. Hindi man siya ang nanalo sa artista search na nabanggit, napasama siya sa top 6 nito. Ngayon, siya na ang host ng nasabing talent search ng GMA 7. Isang bagay daw na hindi niya aakalain na mangyayari.
“Noong time na sumali ako, ang host ay sina Dingdong (Dantes) at Ate Jolens (Jolina Magdangal). Natutuwa ako kasi dito (Starstruck) ako nagsimula at nanggaling, tapos ngayon ako na ang magiging host nung show,” panimulang kuwento ni Megan sa Philippine Showbiz Republic (PSR).
May pressure ba ang paghu-host niya sa Starstruck?
“Medyo, lalo na’t ang kasama kong maghu-host si Dingdong na tinaguriang ‘Primetime King,’ pag-amin niya.
“Noong time na nag-‘Starstruck’ ako, kaming mga contestants kasi we look up to them. These are the people na iniidolo ko lang dati, tapos ngayon kasama ko na sila.”
Pero bagamat mataas na rin ang estado ng pagiging celebrity ni Megan ngayon. Nakaukit na sa kasaysayan ang kanyang pangalan bilang kauna-unahang Pinay na nanalong Miss World. Nakakatuwa na sa kabilang kanyang tagumpay ay hindi lumaki ang kanyang ulo. Wala siyang ipinagbago at simple pa rin siya at aminadong may pagkakataong nai-starstruck pa rin kay Dingdong at sa ibang artistang hinahangaan niya dati.
Pinangarap ba talaga niya na maging beauty queen?
“I guess, hindi. Noong bata pa ako hindi beauty queen ang gusto ko noon, gusto kong maging isang computer programmer.”
Ten years old siya nang umuwi sila ng kanyang ina at mga kapatid sa Olongapo City. Hindi pa raw siya gaanong marunong mag-Tagalog dahil sa Amerika siya lumaki.
“Sobrang iba ang childhood ko sa Olongapo kumpara sa naging life namin sa U.S. Siyempre medyo culture shock siya for me kasi sa probinsiya kami dumiretso. Pero in a way, thankful ako sa parents ko na doon nila kami dinala. Para at least nakita ko kung papano ‘yung culture dito sa Philippines.
Naging masaya naman ang childhood ko sa Olongapo. Marami akong kalaro sa labas ng bahay. Naglalakad ako papuntang school tapos nagta-tricycle pauwi. Yun ang mga experiences na hindi mo mararanasan sa Amerika.”
Solid at masaya rin daw ang samahan nila ng mga kapatid niyang sina Lauren at Victor. “Tapos meron akong kuya… half brother. Tapos meron pa akong half siblings na one boy and one girl na younger. Ang pinaka-close ko ay sina Victor at Lauren kasi kami ‘yung magkakasama sa bahay. Favorite bonding moment namin lately ay ang ‘dubsmash.’ Tapos nanonood lang kami ng movies together sa room. Simple lang naman kami, hindi naman kami palalabas masyado.”
Kumusta sila ng rumored boyfriend niyang si Mikael Daez sa ngayon?
“Okay naman. We hang out a lot,” matipid na sagot ni Megan.
Bago pa sila naugnay sa isa’t isa, matagal na raw silang magkakilala.
“Nagkakilala kami through a friend. Kasi ‘yung bestfriend ko, kaklase niya since grade school.”
Ano ang nagustuhan niya kay Mikael?
“Matalino siya, mabait at saka masarap siyang kausap.”
Okay ba sa kanya na magkasama sila sa isang project?
“Why not? I mean, matagal na kaming magkakilala. So that would be very interesting na magkasama kami sa isang project.”
Gusto rin daw niyang makatrabaho din sana ang younger sister niyang si Lauren na isang Kapuso star rin.
“Sana meron kaming project together. Kasi never pa kaming nagkaroon ng project na magkasama kahit nung time na nasa kabila (ABS-CBN) pa kami na nagwu-work. “Wala pa talagang chance. So sana dito sa GMA, mangyari yun.”
“If ever na magkaroon ako ng ibang project sa GMA aside from Star Struck and Sunday All Stars, gusto ko drama siyempre. Pero exciting din kung romcom (romance-comedy) or kung comedy. Para ibang side naman ni Megan ang makita nila.”
May isang project dawn a nag-audition si Megan. Pero ayaw muna niyang sabihin kung ano ito. “Sana ma-push through iyon. Sana,” nangiting huling nasabi ng actress-beauty queen.