May 23, 2025
Mike de Leon’s “Kakaba Kaba Kaba? now digitally and masterfully restored
Home Page Slider Latest Articles Movies

Mike de Leon’s “Kakaba Kaba Kaba? now digitally and masterfully restored

Dec 10, 2015

Archie liao
by Archie Liao

kakakaba kaba kabaIsa na namang Pinoy classic ang matagumpay na nai-restore ng ABS CBN Film Archives and Restoration sa pamumuno ni Leo Katigbak.

Ito ay ang klasikong pelikulang “ Kakaba Kaba Ka Ba?” ni Mike de Leon, isang musical comedy na iprinudyus noong 1980 ng LVN Pictures na nagtatampok sa mga premyado at de-kalibreng aktor na nag-iwan na ng kanilang tatak sa industriya ng pelikulang Pilipino.

Ang “Kakaba kaba kaba?” ay tungkol sa kuwento ng apat na taong naipit sa tunggalian ng dalawang imperiyalistang kolonisador na kinasasangkutan ng mga Hapon at mga Tsino.

Sina Christopher de Leon, Charo Santos- Concio, Jay Ilagan at Sandy Andolong ang apat na bida sa pelikula. Tampok din sina Johnny Delgado at Buboy Garovillo ng APO Hiking Society bilang mga kontrabida.

Sa pelikula, nagpuslit ang Hapones na si Onota (Garovillo) sa bansa ang isang kargamento ng opyo na nakatago sa isang kahita. Lihim itong inilagay sa bulsa ng jacket ni Johnny (De Leon), isang balikbayang Pinoy na naging kumplikado ang buhay kasama ang kanyang mga kaibigang sina Melanie (Santos), Nonong (Ilagan) at Nancy (Andolong) na hindi tinantanan ng mga Hapon para mabawi ang hinahanap na kalakal na puslit.

Lingid sa kanila, sinusubaybayan din pala sila ng mga Tsino sa kanilang mga galaw kung saan makakarating mapapadpad sa iba’t-ibang lugar ang apat habang tinatakasan ang mga nagtatangka sa kanila.

Umaasang makahanap ng kanlungan, ang apat ay magtatago sa isang simbahan upang malaman lamang sa huli na himpilan pala ito ng sindikatong Hapones. Malalantad sa kanila ang sabwatan ng sindikato na gumagamit ng mga pekeng pari at madre para sa malawakang pagpapalaganap ng opyo sa bansa. Mas gugulo ang lahat nang pumasok ang mga Tsino at naging katawa-tawa ang kanilang tunggalian ng tatlong puwersa.

Sa wakas, mananalo ang mga Pinoy at ikakasal ang dalawang pares ng magsing-irog.

Sa pelikula, pinatunayan ng master director na si Mike de Leon na hindi matatawaran ang kanyang sense of humor.

Sobrang nakakaaliw at nakakatuwa ang pelikula lalo na sa paggamit niya ng mga subtitles sa diyalogo ng mga Hapones at Tsino sa kanilang laban.

Sa ginanap na special screening ng pelikula sa Trinoma mall kamakailan, kung saan imbitado ang Philippine Showbiz Republic (PSR.ph), ang nasabing okasyon ay dinaluhan din ng mga bituin ng pelikula tulad nina Christopher de Leon, Charo Santos Concio, Leo Martinez, Rafa Siguion Reyna (na kumakatawan sa kanyang lolang si Armida Siguion Reyna), mag-inang Ina Feleo at Laurice Guillen (na kumakatawan sa namayapang si Johnny Delgado), Joe Jardin, at Buboy Garovillo.

cast of kakaba kaba kaba

Dumalo rin ang award-winning screenwriter at production designer ng pelikula na si Raquel Villavicencio.

Sa talumpati naman ng award-winning actress at ABS-CBN executive na si Charo Santos-Concio, sinabi niya na labis siyang natuwa sa kanilang reunion ng cast at production crew ng pelikula pagkatapos ng 35 taon. Kuwento pa niya, sobrang enjoy siya noong ginagawa niya ang pelikula dahil parang magbabarkada lang sila.

Balik-tanaw pa niya, pinaka-awkward raw niyang karanasan ang love scene niya with award winning actor Christopher de Leon dahil talaga raw siyang na-stress at naloka pero sulit naman daw dahil sa magandang comic feedback ng pelikula.

Ang special screening ng “Kakaba Kaba Ka ba?” ay naging posible sa pakikipagtulungan ng Cinema One Head na si Ronald Arguelles.

Ang “Kakaba Kaba ka ba?” ay isa lamang sa humigit kumulang na isang daang pelikulang matagumpay na nabigyan ng makabagong bihis o restoration ng ABS -CBN.

Leave a comment

Leave a Reply