
Mikoy Morales on Thea Tolentino: “I get jealous with her leading men.”
By Roldan Castro
Natawa na lang si Mikoy Morales nang biruin ng Philippine Showbiz Republic (PSR.ph) kung hihintayin ba siya ni Thea Tolentino para sumakay sa bagong kotse ng young actress (kung nakabili na ito after magbigay si Willie Revillame ng pang-downpayment at mabunyag sa ‘Wowowin’ guesting niya na kailangan niya bumili ng sasakyan). Nasalubong kasi namin si Thea na palabas ng 17th floor ng GMA bago kami nag-tsikahan ni Mikoy sa nasabing lugar.
“Ba’t ako sasakay? May kotse naman ako. Siya na lang ang sumakay sa akin,” tumatawang pahayag ng young actor/composer.
“Sana matuto na lang siyang mag-drive para ma-drive na ‘yun para makasakay ako. Kasi kung sasakay ako dun at ako ang magda-drive…,” bitin niyang sabi.
Hanggang ngayon ay hindi umaamin sina Mikoy at Thea. Wala naman daw label ang friendship nila. Basta best friends ang nangingibabaw sa kung anuman ang status nila.
“Happy na kami sa ganito. Hindi naman namin kailangan magsabi na ‘hoy eto ang status namin ganoon,” tugon niya.
Pero matibay ang samahan nila ni Thea?
“Matibay. So far going strong. Ang daming nangyayari pero mas okay kami dahil sa mga nangyayaring ganoon. Kasi first of all we’re bestfriends,” sambit pa niya.
Marami rin kayong pinagdadaanan?
“Madami… sa kanya, sa career niya. Ako sa sarili kong ginagawa. Madami talaga,” bulalas niya.
Sino ang gumagawa ng paraan?
“Kaming dalawa of course. Happy ako na supportive din ‘yung parents namin when it comes to..things like that lalo na sa career issues, binaback-upan nila kami,” tugon niya.
Nagseselos ba siya sa mga nakaka-partner ni Thea?
“May kirot,” pag-amin ni Mikoy.
Kanino siya kinikirot?
“Lalo na nu’ng simula pa lang kami. Merong konti kay Jeric (Gonzales). Hindi naman puwedeng hindi, may kirot ‘yun. Hindi maiiwasan,” aniya pa.
Pero okay lang daw dahil magkakaibigan naman sila at produkto sila ng “Protege’”.Ngayon nga sa ‘Half Sisters’ ay sina Thea at Jak Roberto naman ang magkapareha.
“At least mga friends ko naman ang nakakasama niya kaya sinusubukan kong hindi masyadong magselos kasi I’m sure makaka-experience din ako nang ganoon na ayaw ko rin naman na pagselosan niya masyado,” bulalas pa niya.
Anyway, isang kolaborasyon sa pagitan ni Mikoy at ng singing trio group na 3Logy ang ‘Pwede Ba,’ ang naging official theme song ng bagong Kapuso koreanovela na Pinocchio.
Sa panunulat ni Mikoy, ang kantang ‘Pwede Ba’ ay nagbibigay pag-asa sa isang pagmamahal na naghihintay mapansin. Dagdag ang kilig dahil sa lamig ng boses at harmony ng mga tunog nina Abel Estanislao, Jak Roberto at Jeric Gonzales na siyang bumubuo sa trio group na 3Logy.
Si Zebedee Zuñiga ang nagsilbing mentor ng grupong 3Logy at ayon sa music icon ay malaki talaga ang kanilang naging pagbabago simula ng unang araw ng kanilang pag-eensayo. “They have been working really hard and with that, I believe they have already mastered their harmony,” ani Zebedee.
Samantala, patuloy din namang pinapatunayan ni Mikoy Morales na hindi lang siya sa hosting at pagpe-perform magaling. Ang pagsulat niya ng musika ang isa sa patunay na hindi siya humihinto sa pagdagdag ng kaalaman pagdating sa arts. Sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kanyang mga nagawang musika ay mas nararamdaman niyang may kabuluhan ang kanyang talento.
Maaari nang mapakinggang ang “Pwede Ba” sa opm2go.com at mai-download bilang ringback tone (para sa Smart at Talk N Text subscribers) simula Hulyo 31.