May 25, 2025
Miles writes script about friendship, wants Kathryn, Julia to portray
Latest Articles

Miles writes script about friendship, wants Kathryn, Julia to portray

Dec 5, 2019

Labis ang pasasalamat ni Miles Ocampo dahil dumating na rin ang biggest break niya sa pelikulang “Write About Love” ng TBA Studios.

Bida na siya sa nasabing MMFF movie na idinirehe ni Crisanto Aquino kung saan kapareha niya si  Rocco Nacino.

First time rin niya makatrabaho ang Kapuso actor na tulad  niya ay naghihintay lamang ng tamang behikulo para mapansin.

“Thankful kami dahil nabibigyan kami ng chance to work with stars of other networks. Maganda iyon  kasi you get a lot of perspectives. Ibang environment, lumalawak iyong experience mo sa pakikipagtrabaho sa iba’t ibang tao,” bungad ni Miles.

Sey pa niya, akala raw niya noong una ay suplado ang actor pero noong makatrabaho na niya ito, napalitan ito ng paghanga sa kanyang leading man.

“Ang gaan pala niyang katrabaho.  Napaka-propesyunal  niya. Grabe rin ang sense of humor niya kaya wala kaming naging ilangan at naging madali ang connection namin,” paglalarawan niya.

Paliwanag pa niya, sobrang nakaka-relate siya sa kanyang role bilang isang baguhang romcom writer na nagkaroon ng kolaborasyon sa isang batikang indie screenwriter.

“Sabi nga ni Direk, parang sinulat iyong kuwento para sa akin. Nagsusulat din ako at product ng workshop ni Sir Ricky Lee. Sa totoong buhay, nagsisimula pa lang ako kumbaga, nakakailang step palang ako at malayo pa ang journey ko. Parang iyong karakter ko,” paliwanag niya.

Hirit pa niya, mas naintindihan na raw niya ang mundo ng mga manunulat sa kanyang pagsasabuhay ng karakter ni Ms. Romcom.

“Itong pelikula pong ito, nakatulong siya sa akin. Nadagdagan po ang respeto ko sa writers ng pelikula. Nakatulong din po na mas maunawaan ko sila na puwede kong magamit sa hinaharap. Makikita rito iyong mga pinagdadaanan nila sa paglikha, na  hindi porke’t nakagawa ka ng istorya, tapos na iyon. Dito makikita nila ang journey kung ano ba talagang nangyayari sa isang kuwento, iyong mga  changes  o revisions na nangyayari, kung paano nabubuhay at puwedeng mamatay ang kuwento  sa isip ng isang screenwriter,” esplika niya.

Dagdag pa niya, makaka-relate rin daw ang mga manonood sa kuwento ng pelikula.

“Hindi lang siya magpapakilig dahil iyong  mga character sa kuwento ng scriptwriter, ginawan din ng sariling kuwento. Ipinakita rin ang pinagdadaanan ng mga gumagawa ng kuwento sa kanilang realidad, at pati na iyon pong pagsasanib po ng elemento ng pantasya at ng reyalidad,” ani Miles.

May naisulat nang iskrip si Miles at gusto rin niya itong linangin.

“Requirement po kasi iyon sa workshop namin bago ako maka-gradweyt. Tungkol siya sa friendship. Alam kong marami pang dapat ayusin pero at least,  meron na po akong foundation. Hopefully, mai-translate rin siya sa screen at mapanood,” bida ni Miles.

Kung sakaling maipro-prodyus, gusto ni Miles na pagbidahan ito nina Kathryn Bernardo at Julia Montes.

Bukod kay Rocco, kasama rin ni Miles sa “Write About Love” sina Yeng Constantino at Joem Bascon.

Mula sa produksyon ng TBA Studios  na nagbigay sa atin ng  Heneral Luna, I’m Drunk, I Love You at Goyo: Ang Batang Heneral ang Write About Love ay opisyal na kalahok sa ika-45 edisyon ng Metro Manila Film Festival na magbubukas sa araw ng Kapaskuhan.

Leave a comment