
Mon Confiado gets immensely involved with the character he portrays
By: Archie Liao
Kilalang-kilala si Mon Confiado bilang isa sa mga character actors na talagang sineseryoso ang paghahanda sa mga roles na kanyang ginagampanan.
“In my entire career, ang dami ko nang nagampanan. Halos lahat ‘ata nagampanan ko na. Kapag ang role kailangang magpapayat talagang nagpapayat ako. Nakalabas na ako ng zombie, rebelde, Abu Sayyaf, killer, detective, transvestite at iba pa. Talagang nagre-research ako. Pinag-aaralan ko ang kanilang mga kilos at hitsura at talagang nag-u-undergo ako ng physical transformation. Humahanap din ako ng peg at nakikisalamuha sa mga taong closest sa character ko. Gumagawa rin ako ng sariling character sketch, tapos nag-i-stick na iyon sa utak ko. Ikinukundisyon ko ang sarili ko na ako iyong character kapag nag-i-immerse na ako,” aniya. “May mga pagkakataon nga na nadadala ako sa mga roles na ginagampanan ko kaya pagkatapos ng take, kargado pa rin ako. Actually, nangyayari iyon kapag naging attached ako o may personal experience ka sa role na ipino-portray mo,” kuwento niya.
Aware ka ba na kontrobersyal ang role mo bilang Emilio Aguinaldo sa Heneral Luna?
“Oo naman. Aware ako sa mga nagsasabing siya ang nagpapatay kay Bonifacio at even iyong argument na kasama ang mga tauhan niya sa sabwatan para patayin si Luna.”
Kung sakaling may iaalok sa iyong gampanan ang isang historical figure na ang mga adhikain o pinaglalaban ay salungat sa pinaniniwalaan mo, tatanggapin mo?
“Oo. Bilang actor, ang pinaka responsibilidad namin ay ang audience namin. Tungkulin namin na bigyan ng hustisya kung anumang role ang iatang sa amin. Iyong paniniwala namin, isinasantabi namin iyon dahil trabaho lang para sa amin ang pag-arte.”
Personally, ikaw ba ay isang pro-Aguinaldo o pro-Luna?
“Pareho ko silang hinahangaan. Pareho silang naging bahagi ng ating kasaysayan. Ang pinagkaiba lang nila ay ang kanilang mga prinsipyong pinaniniwalaan at ipinaglalaban,” aniya.
Aminado rin si Mon na malaking hamon para sa kanya ang gumanap bilang Aguinaldo.“Hinanap ko ang dati kong barber to achieve that Aguinaldo look . Sadly, after matapos ang pelikula namin, sumakabilang-buhay na rin siya. Ginu-googgle ko rin at nag-research rin ako siyempre sa buhay ni Aguinaldo,”pagmamalaki pa ni Mon.
Hindi na rin bago para kay Mon ang gumanap sa mga historical movies. Nakalabas na siya sa mga pelikulang “Bonifacio: Ang Unang Pangulo”ni Enzo Williams, “Supremo” ni Richard Somes at “Jose Rizal” ni Marilou Diaz-Abaya.
Ang “Heneral Luna” ay nagtatampok kay John Arcilla in the title role.
Kasama rin sa all-star cast sina Arron Villaflor, Bing Pimentel, Mylene Dizon, Perla Bautista, Lorenz Martinez, Alvin Anson, Alex Medina, Art Acuna, Archie Alemania, Epy Quizon, Leo Martinez, Nonie Buencamino, Ketchup Eusebio, Ronnie Lazaro at maraming iba pa. May natatanging partisipasyon rin si Paulo Avelino.
Mula sa produksyon ng Artikulo Uno at sa direksyon ng premyadong director na si Jerrold Tarog ( kilala sa kanyang Camera Trilogy), ang “Heneral Luna” ay mapapanood na sa lahat ng mga sinehan simula sa Septiyembre 9.