
Nadine Lustre proves she’s one tough girl
by PSR News Bureau
Taliwas sa kanyang persona na madalas na nakikita ng publiko o bilang isang imahe at maituturing na poster girl ng ‘sweet’ persona, ipinakita ni Nadine Lustre kung gaano siya katapang bilang babae nang sumakay ito sa isang motorbike na nakasuot ng helmet at surgical mask para sa isang espesyal na ABS-CBN Christmas Special sa Araneta Coliseum.
Hindi nga halos nakilala ng publiko si Nadine dahil hindi ito mapagkakamalang artista sa suot niya nang ito’y dumating. Ginawa ni Nadine ang nasabing bagay upang hindi umano ito mahuli sa kanyang appointment sa nasabing pagtitipon. Sobra kasing traffic sa Metro Manila kung kaya’t mas pinili ng aktres na isantabi muna ang pagiging ‘pa-girl’ at ipakita naman kung gaano siya katapang na makipagsapalaran sa gitna ng traffic sa paggamit ng motorsiklo na bibihira sa isang tulad niyang babae.
Sino nga naman ang mag-aakalang ang isa sa mga tinitilian at hinahangaan ng fans ay magtitiyagang sumuong sa traffic na gamit ang isang motorsiklo? Ganyan ka-real trouper si Nadine Lustre. Isang bagay na sadyang kapuri-puri sa mga artistang katulad niya. Hindi maarte, walang reklamo at masipag sa trabaho. No wonder, mas lalo pang dumarami ang fans ni Nadine.
Incidentally, nominated ang dalaga kasama ang kapareha nitong si James Reid sa isang Korean award giving body for Asian artists. Manalo o matalo, malaking karangalan na rin ang maging nominado para kay Nadine. Hindi kami magtataka kung simula pa lang ito ng mas magandang bagay para sa dalaga dahil sa husay nitong makisama at mabuting attitude kahit sikat na sikat na.