
Nathalie Hart bares her all in “Siphayo”
Walang takot na naghubad si Nathalie Hart sa kanyang launching movie na “Siphayo” na idinirehe ng multi-award winning director na si Joel Lamangan.
“Noong una, akala ko madali pero talagang nahirapan talaga ako. Kasi, noong first day pa lang kasi, may frontal nudity na agad ako. Nagdalawang isip ako kung itutuloy ko. Kasi, noong mabasa ko ang script, ang ganda ng script pero noong shooting na, ibang usapan na pala. Noong second day naman, mayroon akong love scenes, so umiyak talaga ako. Tinawagan ko ang manager ko, sabi ko ayokong maging bold star o porn star dahil natakot talaga ako sa mga susunod ko pang gagawin. Noong third day, tinalakan din ako ni Direk dahil hirap din talaga ako kasi first time ko na may kissing scene kay Tito Allan na parang tatay ko na, so naasiwa talaga ako kasi hindi talaga ako sanay”, kuwento ni Nathalie.

Ayon kay Nathalie, nakatulong daw na co-star niya ang ex-beauty queen turned actress na si Maria Isabel Lopez na gumaganap na asawa ni Allan (Paule) na may kanser, na sanay sa mga ganoong eksena.
“Lumapit talaga ako kay Tita Maribel at iba talaga pag may nakakausap ka na nakagawa na ng mga ganoong klaseng pelikula. Siya iyong nag-advise at nag-guide sa akin”, pagbibida niya.
Naisip din ni Nathalie na hindi naman siya bababuyin o ii-exploit ni Direk Joel na isang respetadong director.
“Noong huli, nanaig pa rin sa akin iyong kagustuhan ko na ma-handle ni Direk Joel. Sabi nga niya, hindi raw naman siya isang porn director at kahit na iyong mga bold stars noon na nagpakita ng flesh na na-handle niya, nagawa niyang mga award-winning actresses”, paliwanag niya.
Dagdag pa ni Nathalie, kahit hindi siya naging kumportable noong una sa paghuhubad ay nag-enjoy naman siya sa paggawa ng “Siphayo”.
“Kakaiba kasi iyong role ko dahil never ko pa siyang nagagampanan sa tanang buhay ko at never pa siyang napanood ng mga tao na ganoon ka-complex iyong character at dahil na rin sa kakaibang “twist” ng movie”, tsika niya.
Hindi raw naman naramdaman ni Nathalie na nag-take advantage ang kanyang mga leading men sa kanya habang ginagawa niya ang mga love scenes sa kanila.
“Gentlemen naman sila at kahit naman nag-take advantage sila, at the end of the day, wala na akong pakialam dahil natapos ko na ang pelikula”, aniya.
Hindi rin masabi ni Nathalie kung kaya pa niyang higitan ang kanyang ginawang paghuhubad sa pelikula sa kanyang mga susunod na mga proyekto.
“Pinakamatindi na ito sa lahat ng nagawa ko. Ibinigay ko na ang lahat at hindi ko po alam kung ano pa ang kaya kung gawin sa susunod”, pagtatapos ni Nathalie.

Papel ng isang private nurse ng maysakit ng asawa ni Allan Paule ang role ni Nathalie sa “Siphayo”. Nang mamatay ito, naging ikalawang asawa siya ni Allan at naging madrasta ng dalawang anak nitong lalake na ginagampanan nina Luis Alandy at Joem Bascon. Nagkaroon ng pagnanasa sa kanya ang buong pamilya kung saan ay pinagsaluhan siya at pinag-agawan ng mag-aama.
Tampok din sa pelikula si Elora Espano bilang asawa ni Luis (Alandy) na hindi natakot na makipagsabayan sa paghuhubad kay Nathalie.
Ang “Siphayo” na mula sa panulat ng Palanca award-winning screenwriter na si Eric Ramos at direksyon ng multi-award-winning director na si Joel Lamangan ay iprinudyus ng BG Films International ni Ms. Baby Go at mapapanood na sa lahat ng mga sinehan sa buong bansa simula sa Oktubre 5. Rated R-16 ito ng MTRCB at approved without cuts.