
Nella Marie Dizon delivers stunning performance as young Gloria Diaz
Bagay ang role na natoka kay Nella Marie Dizon sa mini-series na pinamagatang Beauty Queens.
Gumaganap kasi si Nella rito bilang batang Gloria Diaz at hawig niya noong bata pa ang former Miss Universe 1969, lalo na sa pagiging tsinita nito.
“My character po in this series is the young Dahlia Rivera. She’s a very strong woman, tinuruan po siya ng nanay niya na huwag pong magpapa-api sa ibang tao. To always use her beauty and her brains to basically get what she needs and what she wants, para po like, hindi po siya matulad sa nanay niya,” pahayag ni Nella.
Dagdag pa niya, “But basically, she is a very headstrong woman. So yun po yung role na gagampanan ko and sana po, nagampanan ko naman po nang maayos.
“Beauty Queens is about the story of a family po, particularly family po ni Ms. Gloria Diaz which plays the role of Dahlia. So ipapakita po niya rito kung ano… it will show her past. It will show what happened to her para matamasa ang mga mangyayari ngayon.
“It will also circle around their children and what their lives are like po and conflicts po around their family.”
Bukod sa dating Miss Universe at kay Nella, kabilang sa tampok sa seryeng ito na isang iWant original sina Maxine Medina, Winwyn Marquez, Maris Racal, Ross Pesigan, at marami pang iba.
Sa six-part series na ito, pangarap ni Dahlia (Gloria) na maipasa sa kanyang mga anak ang titulong Miss Universe.
Nagsimula ito nang mangako si Dahlia sa kanyang inang si Tarsila (Maris), ang kahuli-hulihang Carnival Queen ng Maynila noong 1939, na susunod ito sa kanyang mga yapak.
Ngunit sa pagkahumaling ni Dahlia na maging beauty queen ang mga anak niya, hindi nito napagtanto na iba-iba pala ang mga gusto nilang gawin sa buhay.
Maglalayas ang panganay niyang si Daisy (Maxine) para maging madre, magiging aktibista at mabubuntis naman si Tingting (Winwyn), habang ang bunso at unico hijo niyang si Rico (Ross) ang tanging yayakap sa pangarap na maging beauty queen at itatanghal na Miss Gay Universe.
Matapos ng ilang taong pagkakahiwalay, iimbatahan ni Dahlia ang mga anak sa isang party upang ipagdiwang ang centennial birthday ng kanyang yumaong ina at para na rin makasamang muli ang kanyang mga anak na malalayo na ang loob sa kanya.
Ngunit imbes na mag-bonding, mag-uungkatan ang buong pamilya ng kanilang mga sikreto at sama ng loob.
Si Nella ang panganay na anak ng multi-awarded actor na si Allen Dizon. Una siyang sumabak sa pag-arte sa harap ng camera noong pitong taong gulang via the movie Marino, bilang anak nina Allen Dizon at Ara Mina.
Paglipas ng sampung taon, ngayon ay dalagita na siya sa gulang na 17 at tila mas handa nang maging aktibo sa mundo ng showbiz.
Aminado ang newbie actress na malaking challenge ang seryeng ito sa kanya.
Esplika niya, “Sobrang challenge po ito para sa akin. Kasi si daddy palaging nananalo ng award. Pati sa abroad recognized siya.
“Sabi ko, gagalingan ko rin tulad ni daddy. Pero naisip ko, dapat in my own. Dapat may sarili akong identity. Na magsa-shine ako in my own. Walang katapusang pag-aaral po siguro ang kailangan kong gawin.”
Pero nilinaw niyang walang pressure sa parte niya dahil anak siya ni Allen na maraming awards na ang hinakot, pati sa mga international filmfest.
“Instead, gusto ko po siyang gawing inspirasyon. Super-proud po ako kay daddy, I wish maging mahusay rin akong artista in the future. Pagbubutihin ko po talaga,” sambit pa ni Nella.
Ang Beauty Queens na isang iWant original ay mula sa pamamahala ng batikang director na si Joel Lamangan at sa panulat ni Eric Ramos.
Ito ay mula sa ATD Entertainment Productions at prodyus nina Allen at Dennis Evangelista.
Ang serye ay nagsimula na ng streaming last July 15.
Sa July 29 naman ang simula nito sa TFC online.