May 24, 2025
“My new talents are my acid test if I still have the magic to build a star.” – Jojo Veloso
Faces and Places

“My new talents are my acid test if I still have the magic to build a star.” – Jojo Veloso

Apr 1, 2015

Ruben Marasigan
by Ruben Marasigan

Kumpiyansa si Jojo Veloso na malayo ang mararating ng kanyang bagong discovery na si Anya Aragon. Lalo pa at sa kaagad-agad ay pinapirma sila ng Viva Films ng five years exclusive contract.

“Six films ang gagawin ni Anya,” aniya. “Yung una ay introducing kaagad siya. Wala pang sinasabi sa aming kumpletong detalye tungkol sa pelikula. Basta ang alam pa lang namin, parang romance-comedy ang tema nito. Ang gusto ni Boss Vic (del Rosario, producer ng Viva), mala-Ellen Adarna ang magiging packaging. At okey lang naman iyon kay Anya.”

Bukod kay Anya ay may isa pang bagong discovery si Jojo, si Allysa Lao. Sixteen years old naman ito, isang cosplayer na aktibo rin sa pagmo-model sa mga car shows.

“Dinala siya sa akin ng pamangkin ko. And nakita ko na may potential din siya kaya dinala ko rin siya sa office ng Viva. Sa kanilang dalawa (Anya and Allysa) muna ako magku-concetrate. Kapag okey na sila, saka naman ‘yung iba pang igu-groom ko ring mga talents.”

“Parang acid test ito sa akin kung talagang kaya ko pang makapagpasikat ng artista. Kaya challenge sa akin na mai-build up ko itong sina Anya at Alyssa.”

Kasabay ng pagbabalik-showbiz niya ngayon ay ang pagtatayo niya ng Faces International Artist Management. Ito bale ang kapalit ng dati niyang PHILMODA (Philippine Modelling Agency).

“Dito sa bagong artist management agency ko, mga bata ang aking staff, e. Katulad ng pamangkin ko at ilan pang relatives ko. Mas gusto daw nila na magkaroon kami ng bagong opisina concentrating on artist management. Kasi ‘yong PHILMODA noon, more on commercial models, e. Although may plano rin kami na mag-handle din ng mga models.”

unnamed1

Ibabalik din ba niya ‘yong Face Of The Year pageant na ilang taon ding tumagal sa ilalim ng PHILMODA?

“May plano rin kami. Actually may mga kausap na nga ako para rito na tutulong sa pag-organize nito na ang gusto nila… magkaroon din ng international pageant.”

Naranasan ni Jojo na masuong sa matinding kontrobersiya na idinulot ng video scandal na kanyang kinasangkutan. At maaaring ‘yung mga taong naghangad na pabagsakin siya noon ay harangin ang tsansa na muli na naman siyang makabalik sa pagma-manage ng mga artista.

“Ready naman ako diyan. Sa tagal ko na naman ba at sa matitinding pinagdaanan ko. Nakaabot pa nga ng Senado ‘yung naging isyu sa akin, di ba?” natawa na lang na sambit ni Jojo.

Halos ten years din siyang namuhay outside showbiz circle. Pumasok kasi siya sa politika at naging Board Member ng Biliran province.

“Actually, I thought na ‘pag napunta na ako sa politics, magiging tahimik ang buhay ko. Pero hindi rin, e.”

“Kasi ang politics parang showbiz din. Kahit anumang maganda o mabuting gawin mo, titirahin ka pa rin ng mga kalaban mo at ng mga taong ayaw sa iyo.”

Matapos ang kanyang termino bilang Board Member, nagtrabaho naman si Jojo bilang isa sa mga staff ni Biliran Governor Gerry Boy Espina. Siya ang in- charge sa pag-aasikaso ng mga scholarship programs nito, pagpu-promote ng tourism at mga special events sa buong probinsiya.

“Pero magta-trabaho pa rin ako for Governor Espina. Hindi lang nga gaya ng dati na talagang full time. Siguro ang mangyayari, two weeks ako dito sa Manila. Tapos two weeks doon.”

Hinihikayat daw siya ni Governor Espina na tumakbo ulit bilang Board Member ng Biliran sa 2016 election.

“Hindi pa ako makasagot. Gusto ko, hintayin ko muna ang resulta ng pagbi-build up ko kay Anya at saka kay Allysa.
“Kasi kapag nando’n naman ako sa Biliran, hinahanap ko ‘yung dito sa showbiz, e. E sabi ko… nakapagsilbi na naman ako sa mga kababayan ko sa province namin nang halos ten years, pagbigyan ko muna ‘yung gusto ko na maging star builder ulit.”

Marami na ring na-discover at pinasikat si Jojo. Kabilang nga sa mga naging talents niya ay sina Ina Raymundo, Dale Villar, Matthew Mendoza, Via Veloso, Aya Medel, Allen Dizon, at Ana Capri.

Naging mentor din siya noon nina Alice Dixson at Techie Agbayani.

Alice-Dixson-Photo-by-Paul-MataTetchie-Agbayani

“Proud ako sa mga naging alaga ko. Sinasabihan sila noon na puro mga nagpapa-sexy lang raw. Pero na-prove nila na hindi lang sila hanggang pa-sexy lang kundi marunong din ngang umarte. ‘Yung iba sa kanila, sa ngayon ay kahanay na ng mga magagaling na artista,” panghuling nasabi ni Jojo.

Leave a comment

Leave a Reply