
Nico Antonio successfully struts out of his mother’s shadow
by Archie Liao
Nakapagbida na si Nico Antonio sa mga pelikulang “Posas” ni Lawrence Fajardo at “M: Mother’s Maiden Name” ni Zig Dulay kung saan nakilala siya sa kanyang galing sa pagganap sa iba’t-ibang klaseng roles. Marami rin ang pinabilib niya sa pagbibigay-buhay niya ng mga gay roles tulad ng “Ang Laro sa Buhay ni Juan” at “Sana Dati.”
Naging swak naman ang kanilang tambalan ni Bianca Manalo sa kiligseryeng “On The Wings of Love” na tampok ang tambalang Jadine kung saan nagkaroon na rin sila ng mga tagahanga. Sa katunayan, dahil sa tagumpay ng tambalan nila ni Bianca, nagkaroon pa sila ng commercial ng isang pamosong food chain. Naging malakas din ang recall ng kanyang character na Tolayts kung saan naging popular ang kanyang hugot line na “Ang tunay na lalake ay hindi lamang pang-romansa, kundi panglabada.” Sa naturang teleserye kasi, kailangang ipaglaba ni Nico si Bianca bilang bahagi ng panunuyo sa dalaga.
Ngayon sa kanyang bagong pelikulang “Tandem,” action star naman ang peg niya.
Wholesome endorser ka ng isang food brand at pa-ander ang role mo sa OTWOL, hindi ka ba natatakot na maapektuhan ang macho image mo as an action star?
“Hindi ko naman po inile-label ang sarili ko bilang action star o comedy star. Actor po ako at naiintindihan ng mga manonood na trabaho lang ang ginagawa ko,”aniya.
Maselan ang tema ng pelikulang “Tandem” dahil ito ay tungkol sa mga criminals na riding in tandem. Hindi ka ba nababahala na baka maapektuhan naman ang imahe bilang wholesome actor/endorser?
“Aktibo rin po kasi ako sa social media. Sinasabi kong character lang iyong ginagampanan ko at iba iyon sa tunay na buhay,” paliwanag niya.Gaano ka-close si Nico sa kanyang character na Tolayts sa OTWOL?
“Hindi po ako marunong maglaba pero marunong akong maghugas ng pinggan para sa misis ko,”pabiro niyang sagot.
Ayon pa kay Nico, hindi raw siya ander kung hindi masunurin lang at mabait dahil malaki ang pagpapahalaga niya sa mga babae sa kanyang buhay, kasama na ang kanyang ina, asawa, anak at mga kapatid.
Lately, mas tumatatak at lumalabas ang pagiging magaling na komedyante mo sa OTWOL, paano mo binigyan ng atake ang role mo sa “Tandem” para maging kapani-paniwala ka sa pagbabalik sa drama at pagsubok sa aksyon?
“Iyong sa action, nag-aral akong sumakay ng motor. Doon naman sa role ko sa “Tandem,” nagpaka-kuya lang ako kay JM dahil ako iyong older brother niya na binabantayan ang mga ginagawa niya. Bago pa man ako gumawa ng comedy, dati na akong gumagawa ng drama. So, hindi naman ako nanibago,” sabi niya.
May dream role ka pa ba na gustong gampanan?
“Wala akong iniisip na dream role. Lahat ng roles sa akin ay dream roles. Ang gusto ko lang makilala ako bilang isang successful actor at makalabas sa shadow ng mother ko”.
Dati nang naging isyu na nagkakaroon ka lang raw ng pelikula at lead pa dahil producer ang mother mong si Atty. Joji Alonzo. Sa palagay mo ba, na-outgrow mo na o nalampasan ang public perception na ito?
“Oo naman. Actually, wala nang nagsasabi and I’m thankful for all the breaks that I’m getting. Lahat naman siya pinaghihirapan ko,” pagwawakas niya.
Ayon pa kay Nico, isang magandang karanasan sa kanya ang pakikipagtrabaho kay JM de Guzman dahil marami siyang natutunan sa magaling at award-winning actor.
Nanghihinayang lang si Nico dahil sa kasalukuyan ay may pinagdadaanan ang actor na napabalitang nasa isang rehab facility dahil bumalik sa dati niyang bisyo.
Itinanggi naman ni Nico na nagkaroon sila ng problema sa shoot ng pelikula dahil sa umano’y attitude at behavioural problems ng actor.
Aniya, napaka-professional daw ni JM at talagang dedicated sa kanyang craft bilang actor.
Ang “Tandem” ay kuwento ng small-time thieves na naging kumplikado ang buhay nang masangkot sila sa big-time robbery.
Mula sa Buchi Boy Films at Tuko Films na siyang naghatid ng “Heneral Luna”, ang highest grossing Pinoy historical epic of all time at Quantum Films, ang “Tandem” ay nagtatatampok din kina Rochelle Pangilinan, Elora Espano, Alan Paule, Paolo O’hara, Simon Ibarra, Joel Saracho, Karl Medina, BJ Forbes at Dennis Marasigan.
Mula sa direksyon ni King Palisoc, ito ay mapapanood na sa piling mga sinehan sa buong bansa simula sa Pebrero 17.