
No to lovelife, LA Santos says mommy first
Malaki ang tiwala ng dating artista na ngayon ay isa nang concert producer na si Joed Serrano kay LA Santos. Hindi lamang niya ito pinrodyus ng concert, pumayag pa siya na maging talent manager ng binata.
Kungsabagay, nakakabilib naman kasi ang 17-year-old singer kahit lumaki at isinilang na may Attention Deficit Hyperactivity Disorder (ADHD) ay naging aktibo sa pagkanta na kanya ngayong pinagkakaabalahan.
Kamakailan nga ay inilunsad ang kaniyang self-titled album under Star Music na ang carrier single ay ang kantang “Tinamaan,” na ang nag-compose ay si Jonathan Manalo na gumagawa ngayon ng ingay sa music charts, radio at online streaming. Talaga namang sa maikling panahon ay unti-unti nang nakikila sa recording scene si LA.
Isa pa sa mga mga magagandang nangyayari sa karera ng binata ay ang pagkakaroon niya ng major solo concert. Ito ‘yung pinrodyus ni Joed Serrano na ang title ay “#Petmalu,” na mapapanood bukas ng gabi (April 30) sa Music Museum. Ito ay benefit concert para sa Cherish Life Foundation.
Siyempre pa, sobrang happy si LA sa papaganda nang papaganda niyang singing career. Nagpapasalamat siya sa kaniyang mommy Flor sa sobrang suporta sa kaniya kaya naman bilang sukli ay pinagbubuti niya ang kaniyang ginagawa. No to lovelife nga muna siya dahil may promise siya sa kaniyang mommy na magpo-focus siya sa kaniyang career.